INAANYAYAHAN ang lahat ng Department of Science and Technology (DOST) na makiisa sa selebrasyon ng National Science & Technology Week (NSTW) mula Hulyo 17 hanggang 21 sa World Trade Center sa Pasay City.
Ang National S&T Week ay isang taunang pagdiriwang tuwing Hulyo. Maging ang mga pamprobinsyang opisina ay may nakahanda ring iba’t ibang mga aktibidad at ipinagdiriwang ang Regional S&T Week sa iba’t ibang mga araw.
Ang NSTW ay nagsisilbing paraan ng DOST at ng ibang mga ahensiya upang maipakita sa publiko ang kanilang mga nakamit sa larangan ng agham at teknolohiya, epekto sa mga mamamayan, pangkabuhayan at kalusugan, bukod sa iba pa.
Ngayong taon, may temang Science for the People: Enabling Technologies for Sustainable Development” ang pagridiwang ng NSTW. Naghanda ng mga eksibit, fora at mga pagpapalabas ng pelikula at bukas ito sa publiko mula Hulyo 17 (12 ng tanghali hanggang 6 ng gabi) at Hulyo 18-21 (9 ng umaga hanggang 6 ng gabi).
Ang mga nais bumisita ay kailangang mag pre-register online sa www.nstw.dost.gov.ph.
Sa loob ng selebrasyon, makakakita ang mga bisita ng mga eksibit at demonstrasyon ng iba’t ibang mga produkto sa enerhiya, kalusugan, inobasyon, pagkain, bukod sa iba pang mga pagtatanghal.
Nakatakda ring pasinayaan sa NSTW sa World Trade Center ang pinakabagong mobile science learning facility ng ahensiya, ang NuLab.
Layunin ng NuLab na madiskubre ng mga senior high school student ang kanilang kakayahan sa iba’t ibang sangay ng agham, teknolohiya, engineering, matematika, at kumuha ng kurso kung saan sila mahusay.
PNA