ISANG linggo matapos magbukas ang NCAA Season 95 Men’s Basketball Tournament, agad na binigyan ng graduating guard na si Jethro Mendoza ang kanilang koponang Emilio Aguinaldo College ng isang sandaling hindi malilimutan.

Isang go-ahead layup sa natitirang 1.5 segundo ng laro ang ibinuslo ni Mendoza upang magulantang ng Generals ang Lyceum of the Philippines University Pirates, 84-82 noong Biyernes sa Filoil Flying V Center sa San Juan City.

Dahil sa nasabing game-winner, nahirang ang shooting guard bilang unang Chooks-to-Go/Collegiate Press Corps NCAA Player of the Week.

Bukod sa nasabing basket na nagpabagsak sa dating back-to-back runner-up, isinalansan din ni Mendoza ang walo sa kanyang team-high 21 puntos sa final stretch ng laro na nagbigay sa EAC ng una nitong panalo kontra Lyceum mula noong 2016 at una ring malaki nilang panalo mula ng gapiin nila ang eventual champion Letran noong 2015.

Angelica Yulo, proud na ibinida hakot awards na 'Golden Boy' anak na si Eldrew

Bumitaw din sya ng 6 na triples, at nagtala rin 4 na rebounds, 2 assists, at isang steal sa loob ng 26 minuto sa loob ng court.

“Sabi lang namin, atin ‘to, lalaban tayo hanggang matapos. Kahit na nakakahabol na sila, gawin lang namin ‘yung tama,” ani Mendoza na binigo ang tangkang pagbalikwas ng Lyceum mula sa 18 puntos na pagkakaiwan sa third period.

Nakatulong din sa kanya ang tiwalang ibinigay ng kanilang bagong coach na si Oliver Bunyi.

“I was telling them, even if Jethro is doing 0-of-10 in the first part, I will still trust him to take the ball outside. That’s his job. ‘Yun naman, naging successful siya,” ayon kay Bunyi.

Tinalo ni Mendoza para sa lingguhang parangal sina Jerrick Balanza ng Letran, RK Ilagan ng San Sebastian, Jaycee Marcelino ng Lyceum, Edgar Charcos ng Perpetual, at ang San Beda trio nina James Canlas, Evan Nelle at Donald Tankoua.

-Marivic Awitan