Binalaan kahapon ng Department of Health (DOH) at ng Food and Drug Administration (FDA) ang publiko laban sa masamang epekto sa kalusugan at safety concerns nang paggamit ng Electronic Nicotine and Non-Nicotine Delivery Systems (ENDS/ENNDS), o mas kilala sa tawag na electronic cigarettes (e-cigarettes).
Inilabas ang babala matapos matukoy na patuloy na tinatangkilik ng publiko, partikular na ang mga kabataan ang nasabing e-cigarettes sa bansa.
Ayon sa DOH at FDA, limang US medical specialty societies, kabilang na ang American College of Obstetricians and Gynecologists, American College of Physicians, American Academy of Pediatrics, American Academy of Family Physicians, at American College of Surgeons, ang nagsabi na ang paggamit ng mga e-cigarettes ay ‘health hazards.’
Anila, maging ang Philippine Pediatric Society ay nagpahayag na rin hinggil sa pagiging addictive at ‘potentially cancer-causing effects’ ng e-cigarettes.
Binalaan din nila ang publiko hinggil sa mapanganib na kemikal ng vapes, gaya ng nicotine, ultra-fine particles, carcinogens, heavy metals, at volatile organic compounds.
Natukoy sa resulta ng ilang pag-aaral na ang ‘e-cig juices’ ay may taglay na mataas na antas ng ‘addictive nicotine,’ na maaaring magresulta sa acute o maging fatal poisoning, kung malulunok ito at maging iba pang pamamaraan.
“In addition to nicotine addiction, cases of nicotine toxicity in children of epidemic proportion have been documented in other countries with increasing prevalence of e-cigarette use. E-cigarette aerosol that users and bystanders breathe and exhale also contain harmful and potentially harmful substances including second-hand aerosols (SHA),” ayon sa dalawang ahensya.
Mahigpit din ang panawagan ng DOH at FDA sa mga magulang, mga guro, at mga health workers na ituro sa mga kabataan ang panganib sa kalusugan na dala ng e-cigarettes, na anila ay may ‘unique appeal’ sa mga kabataan dahil na rin sa mga flavored variants at unique construction ng mga ito.
“The Department, together with the Food and Drug Administration, maintains that a series of long-term epidemiological and peer-reviewed studies are required to conclude that e-cigarettes are less harmful than conventional smoking,” pahayag pa ni Health Secretary Francisco T. Duque III.
-Mary Ann Santiago