IPINAGDIRIWANG ngayong araw, Hulyo 15, ng Manila Broadcasting Company ang ika-80 anibersaryo ng DZRH.

Pagtutuunan ng istasyon ang pagiging handa nitong makibagay sa iba’t ibang hamon ng teknolohiya, lalung-lalo na sa panahon ng internet at social media.

Ang DZRH ay isa sa mga pinakaunang istasyon ng radyo sa bansa. Ito ay nagsimula lamang sa Heacock, isang maliit na department store sa Escolta noong 1939. Hindi pa rin uso ang mga recording noon at lahat ng mga mapakikinggan mong mga kanta ay live na kinakanta ng mga sikat na personalidad.

Lahat na din yata ay nagawa na ng DZRH, mula sa paligsahan sa pagkanta, mga quiz show, spelling contest at nagkaroon din sila ng mga situation comedy o sit-com tulad ng Tang-ta-Rang-Tang. Ang DZRH din ang unang nagsagawa ng mga drama sa radyo, ang Gulong ng Palad na katha ni Lina Flor noong 1949. Isa na nga sa mga tumatak na palabas ng DZRH ay ang programa ni Tiya Dely. Naisapelikula at kinagiliwan din ng publiko ang iba pang mga palatuntunan ng DZRH.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Isa ng institusyon para sa mga Pilipino ang DZRH sa larangan ng pagbabalita at serbisyo-publiko. Ilan na nga sa mga komentarista ng DZRH tulad nina Joe Yabut, Louie Beltran, Paeng Yabut at iba pa ay maiging nagbantay at naging kabahagi sa kasaysayan ng Pilipinas, mula kay dating Presidente Manuel L. Quezon hanggang sa kasalukuyan.

Sandigan din ng mga ordinaryong Pilipino ang DZRH, tulad ng mga mahihirap at mga biktima ng mga kalamidad at karahasan sa pamamagitan ng kanilang segment na Operation Tulong.

At upang makapagpasalamat ang DZRH sa kanilang mga tagasubaysay na patuloy na tumatangkilik at sumuporta sa istasyon, magsasagawa ng Job Fair ang DZRH sa ika-80 anibersaryo nito, sa SM Megatrade Hall, sa Hulyo 24-25, para makatulong sa mga kababayang nangangailangan ng trabaho.

-NIMROD RUBIA