NEW YORK (AP) - Biglang nawalan ng kuryente ang dinarayo ng mga turista na Manhattan, ilang oras bago ang nakatakdang pagsisimula ng Broadway shows nitong Sabado ng gabi.

times square

Dahil dito, naglabasan sa kalsada ang mga theatre-goers, kasabay ng pagdidilim ng electronic screens sa Times Square, at kamuntikan nang huminto ang biyahe sa mga subway lines.

Naibalik din naman kaagad ang kuryente sa midtown Manhattan at sa Upper West Side bandang hatinggabi.

Tsika at Intriga

Maris, namundok matapos maeskandalo kay Anthony

Ayon kay John McAvoy, CEO ng Con Edison, nagkaproblema sa substation na nagdulot sa pagkakatigil ng supply ng kuryente, bandang 6:47 ng gabi, at nakaapekto sa halos 73,000 customers sa loob ng mahigit na tatlong oras, sa 30-block stretch mula sa Times Square hanggang sa 72nd Street at Broadway, na umabot pa hanggang sa Rockefeller Center.

Sinabi ni McAvoy na hindi pa batid ang dahilan ng blackout, dahil tinatapos pa ng mga awtoridad ang imbestigasyon.

Ang temperatura ay nasa mababang 80s nang lumubog ang araw, ngunit hindi kasing-init ng normal na araw ng Hulyo sa Manhattan, kaya naman kinapos ang power grid ng lungsod.

Sabado pa lang ng gabi ay wala nang kuryente sa Rockefeller Center, na umabot pa sa Upper West Side, at hindi na rin gumana ang mga traffic lights.

Gaya rito sa Pilipinas, naghiyawan din ang mga taga-Upper West Side nang bumalik na ang kuryente, bandang 10:30 ng gabi. Ilang oras bago ito, ginabayan ng mga doormen na may flashlights ang mga residente sa pag-akyat sa kani-kanilang mga apartment sa Central Park West, dahil hindi nagagamit ang mga elevator.

Nagmando naman ng trapiko ang mga pulis, habang ang mga taong naglalakad at ang mga nagbibisikleta ay nakikipagpatintero sa dilim.

Nangyari ang blackout kasabay ng paggunita sa 1977 New York City outage, na nagpadilim din sa lungsod ng taong iyon.

Sinabi ni Gov. Andrew Cuomo sa isang panayam na kahit walang nasaktan, “the fact that it happened at all is unacceptable.” Iimbestigahan daw ng Department of Public Service ang nangyari.

“You just can’t have a power outage of this magnitude in this city” ani Cuomo. “It is too dangerous, the potential for public safety risk and chaos is too high, we just can’t have a system that does that, it’s that simple at the end of the day, ” dagdag pa nito.

Karamihan sa mga musical at plays noong Sabado ay kinansela na ang shows sa gabi, kasama na ang Hadestown, na tumagal nang mahigit sa isang buwan, at nanalo pa ng Tony Award para sa best musical.

Ang ilan sa mga miyembro ng musical na Come From Away, ay nagsagawa ng mala-flash mob na pagtatanghal sa gitna ng kalye, sa labas ng kanilang mga teatro para sa mga nabigong manonood.

Apektado rin ang Madison Square Garden, kung saan nagtatanghal si Jennifer Lopez noong Sabado ng gabi.

Ayon sa mga nanood sa concert, bigla raw nawalan ng ilaw bandang 9:30 ng gabi habang nasa kalagitnaan na ng ikaapat niyang kanta si J.Lo. Kaagad namang pinalabas ang mga manonood mula sa arena.

Pinalikas din ang mga nanonood sa Carnegie Hall at sa Lincoln Center for the Performing Arts.

Naapektuhan din maging ang subway. Ayon kay Maxwell Young, tagapagsalita para sa Metropolitan Transportation Authority, apat na istasyon (Columbus Circle, Rockefeller Center, Hudson Yards and Fifth Avenue at 53rd Street) sa Manhattan ang isinara sa publiko.

Ngunit nagawan naman daw ito ng paraan ng mga operator ng tren at napalitan ang signal ng manu-mano at nakapagdala ng isang tren sa mga istasyon upang makapagsakay ng mga pasahero.

-Associated Press