MALAKING suliranin ang mga basurang plastic na nagkalat sa bawat sulok ng Maynila, na pilit ngayong nililinis ni Gatpuno (Mayor ng Maynila) Francisco “Isko Moreno” Domagoso. Kung papaano at saan ito itatambak ang inihahanap ngayon ng kalutasan ng mga taga-Manila City Hall.

Sa totoo lang, ‘di naman solo ni Mayor Isko ang sakit sa ulo na mga plastik na ito – laganap ang suliranin sa buong mundo, at ang bawat bansa ay may kani-kanyang mga proyekto upang mapigil ang pagkalat ng plastik na sumisira sa ating kalikasan.

Ngunit ‘wag na tayong maghanap pa ng solusyon sa ibang bansa – matagal na ring meron niyan dito mismo sa atin at ‘di lamang nabibigyan pansin – dahil meron tayong tinatawag na BLASTIK PROJECT, pakulo ng mga taga-Negros Occidental.

Sa proyektong ito, ang plastic— lalo na yung mga pagkalat-kalat na bote ng softdrinks – ay hindi itinatapon, bagkus nagiging mga kapaki-pakinabang na gamit sa bahay, opisina at paaralan.

Hindi ito “magic” ngunit ang mga perwisyong basurang plastik sa BLASTIK PROJECT, ayon sa brochure na aking nabasa, ay nagiging kapaki-pakinabang na mga kagamitan: “Wall tiles, table tops, chairs, home décor, office gadgets, construction aggregates, paver for home, and garden footwalks.”

Ayon sa mag-asawang Jet at Checcs Orbida, dating kasama ko sa GMA7 na mas pinili ang maging full-time na magbubukid sa panahon ng kanilang retirement, ay malaki ang maitutulong ng proyektong ito sa komunidad sa mga lalawigan, upang magkaroon ng pagkakakitaan ang mga mamamayan.

Sa lugar na kinatatayuan ng malawak na “Peace Pond”, isang kilalang “organic demo farm” na nagtataguyod sa pangangalaga ng kalikasan at kapaligiran, sa pamamagitan nang pagtuturo ng “organic farming” sa mga mamamayan na gustong matuto—ay matatagpuan ang gusali ng BLASTIK PROJECT, kung saan makikita ang mga produkto at kasangkapan na gawa sa “recycled plastics”.

Ang mismong gusali, na siyang pinaka “showroom” ng BLASTIK PROJECT, ay gawa sa mga basurang plastic—ang dingding ay gawa mula sa 6,550 na mga 1.5 liter na plastic bottle ng Coke at Sprite, at mga botelya ng Swakto!

Ayon sa brochure, ganito ang kanilang sistema: “The Blastik Collection program is an economically-viable easily replicated scheme. Plastic bottles (bottles, caps, labels) are collected in key areas of the barangay / village. Residents can either sell them for cash or exchange them for Eco Bags or Cellphone Load Credits. Also soon-to-open is our Blastik Tiangge – a no-waste Eco Store where people can exchange plastic bottles for various household and personal products (as long as they bring their own refillable packaging). Meet our Blastik Eco Rangers in charge of plastic bottle waste collection, learn how to build your own low-cost Material Recovery Facility (MRF) and think of other ways to mobilize other members of the community!”

Eto pa – may mga imbensyon din sila na mga makinarya na magagamit upang ang basurang plastic bottles ay maging kapaki-pakinabang na kagamitan, gaya ng “furniture, small household items, construction aggregates” at marami pang iba. At ang mga makina na ito ay pawang “portable, easy to operate and low maintenance cost!”

Hindi maramot ang mga taong nasa likod ng BLASTIK PROJECT. Gusto nilang ipamahagi at ituro ang makataong proyektong ito sa mga mamamayan, lalo na sa mga opisyal ng mga lokal na pamahalaan, na gustong matutuhan ang pamamaraan ng pagre-recycle ng mga plastic na basura – ATTENTION: Gatpuno Isko Moreno!

Sa mga interesado, ito ang kanilang website: https://www.facebook.com/PeacePond.Binalbagan.

Adhikain ng BLASTIK PROJECT: “Because we don’t want our plastic bottles to pollute our oceans and defile our farm lands!”

Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]

-Dave M. Veridiano, E.E.