Sinasabing konektado sa Parojinog group sa Ozamiz City, Misamis Occidental, ang limang tinukoy ng pulisya na persons of interest sa holdapan nitong Huwebes sa isang bangko sa Binondo, Maynila.

Mismong sina Manila Mayor Isko Moreno at Manila Police District (MPD) Director B/Gen. Vicente Danao Jr., ang nagprisinta sa media ngayong Lunes ng mga litrato ng mga persons of interest sa holdapan sa sangay ng Metrobank sa Binondo, nitong Huwebes.
Kabilang sa mga persons of interest sina Gilcar Domagan Mofan, alyas “Jing Mofan”; at Marlon “Ailon” Parojinog, na kapwa itinuturing na lider ng grupo, at may nakabimbing warrant of arrest sa kasong murder.
Itinuturing din na persons of interest sina Noli Bonifacio Casuela, alyas “Lito Dapitan”; Michael Calunod, alyas “Batang Pilay”; at Frederex Secretario.
Sinasabing ang lima ay pawang konektado umano sa Parojinog Group sa Ozamiz.
Ayon kay Danao, natukoy nila ang pagkakakilanlan ng lima base sa mga pahayag ng ilang saksi sa holdapan, at matapos na makakuha ng mga larawan ng mga ito mula sa kopya ng CCTV footage ng bangko.
Kaugnay nito, inulit ni Mayor Isko ang pag-aalok ng P1-milyon sa sinumang makapagtuturo o makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ng mga naturang persons of interest.
Matatandaang dakong 8:43 ng umaga, o bago pa ang banking hours nitong Huwebes, nang nilooban ng mga suspek ang naturang bangko at nilimas ang hindi pa batid na halaga ng cash.
Una nang sinabi ni Danao na posibleng inside job ang insidente.
-Mary Ann Santiago