Magiging maulan sa bansa sa mga susunod na araw ngayong ganap nang bagyo ang low pressure area, na tatawaging ‘Falcon’.
Ayon kay Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) weather specialist Ariel Rojas, namataan ang Falcon sa 990 kilometro sa silangan ng Virac, Catanduanes ngayong Lunes ng umaga.
May lakas ito ng hangin na aabot sa 45 kilometers per hour (kph), at bugsong nasa 60 kph.
Nagbago, aniya, ng direksiyon ang bagyo, at kumikilos ngayon patungong hilaga-hilagang kanluran sa bilis na 20 kph.
Sa pagbabago ng direksiyon ng Falcon, sinabi ni Rojas na may posibilidad na mag-landfall ito sa hilagang bahagi ng Cagayan sa Miyerkules.
Maaaring itaas ng PAGASA ang Signal No. 1 sa northern Luzon bukas, Hulyo 16.
Ngayong Lunes, nagpapaulan na ang Falcon sa Albay, Camarines Norte, Camarines Sur, Catanduanes, Sorsogon, Masbate, Biliran, Eastern Samar, Leyte, Northern Samar, Samar, at Southern Leyte, habang nakaaapekto naman ang habagat sa Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan, at sa iba pang mga lugar sa Visayas at Mindanao.
Bukas, makararanas ng pag-uulan ang Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan, Aklan, Antique, Negros Occidental, Capiz, Guimaras, Iloilo, Zamboanga del Norte, Zamboanga del Sur, Zamboanga Sibugay, at Sulu.
Sa Miyerkules, magiging maulan din sa Metro Manila, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Abra, Benguet, Ifugao, Kalinga, Mountain Province, Apayao, Batanes, Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Aurora, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, Zambales, Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan, Aklan, Antique, Negros Occidental, Capiz, Guimaras, at Iloilo dulot ng magkasamang epekto ng Falcon at habagat.
Tinatayang bukas ay nasa 830 kilometro ng silangangan ng Casiguran, Aurora, ang Falcon, at nasa 295 kilometro sa silangan ng Tuguegarao City sa Cagayan pagsapit ng Miyerkules.
Kung mapapanatili ang bilis at direksiyon nito, inaasahang sa Huwebes pa lalabas ng Philippine area of responsibility ang Falcon.
Ellalyn De Vera-Ruiz