ISANG bagong hakbang upang ibigay ang ‘emergency powers’ kay Pangulong Duterte para maresolba ang problema ng trapiko sa Metro Manila, Metro Cebu at iba pang malalaking lungsod sa bansa ang nakatakdang isulong sa 18th Congress na malapit nang magsimula.

Inihain na ng bagong senador, Francis Tolentino, ang Senate Bill 213, upang ibigay sa Pangulo ang “emergency powers to employ the necessary government resources, exercise or employ executive actions and measures, unhampered by existing laws, regulations, and procedure, to adopt short-term, mid-term, and long-term development plans for a sustainable and efficient transport system.”

Isang katulad na panukalang-batas din ang inihain noong nakaraang Kongreso sa pagsisimula ng administrasyong Duterte, ngunit hindi ito umusad. “We were all for passing the bill last Congress, if not for the failure of the Department of Transportation (DoTr) to submit to us a list of projects that will be covered by the grant of powers,” pahayag ni Senadora Grace Poe, pinuno ng Senate Committee on Public Services. “Everything must be well- defined. Hindi pwede ang blanket grant of emergency powers under the Constitution.”

Disyembre 2018, ipinasa ng Kamara de Representantes ang bersiyon nito ng panukalang-batas, ngunit naantala ang bersiyon ng Senado ng pinalawig na mga debate. Kalaunan, sinabi ng Pangulo na hindi na niya kailangan ng emergency powers bill, na nagbigay ng iba’t ibang senyales sa mga mambabatas, ayon kay Senadora Poe.

Kasunod nito, ipinaliwanag ng Pangulo na isinuko na niya ang mungkahi dahil sa ikinababahala ng ilan ang hinggil sa posibilidad ng kurapsyon kung maibigay sa kanya ang emergency powers. “If they do not want to give it, we will not go in desperation and raise our hands and say, ‘No we cannot solve it.’ In whatever way that is feasible and appropriate, even without emergency powers, we will still do what is right and proper, which is infrastructure, enforcement, discipline.”

Mula iyon sa nakaraang 17th Congress. Para sa nalalapit na 18th Congress, muli itong susubukan ni Senador Tolentino sa pamamagitan ng kanyang bagong panukalang-batas. Siya at ang ilang iba pang senador na kilalang kaalyado ng administrasyon ay dapat na maiwaksi ang pagkabahala na lumutang sa nakaraang Kongreso hinggil sa posibleng pag-abuso sa emergency powers.

Isang punto rin ang inihayag ni Senador Ralph Recto. Maraming problema ng bansa, aniya kamakailan, na maaaring masolusyunan ng hindi kinakailangang baguhin ang Konstitusyon o pagbibigay ng emergency power sa pamahalaan. Ginamit niyang halimbawa ang paglilinis ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa lungsod bilang isang “Exhibit A.”

Aabangan natin ang bagong pagsisikap na ito upang maaprubahan ng Senado ang emergency power para sa paglutas ng problema sa trapiko ng Metro Manila, kasama ng mga hindi pa nabubunyag na detalye para sa plano ni Pangulong Duterte upang mapaikli ang oras ng biyahe mula Ayala sa Makati patungong Cubao sa Quezon City sa limang minuto lamang.