SA pagdinig na ginanap sa Korte Suprema noong Hulyo 9, hinggil sa petition for a writ of kalikasan, nagulat ang mga abogado ng Integrated Bar of the Philippines nang ilabas ni Solicitor General Jose Calida ang mga sinumpaang salaysay ng mga mangingisda ng Palawan at Zambales. Kasi, iniaatras na nila ang petisyong isinampa ng IBP para sa kanila noong nakaraang Abril. Inakusahan ng Malacanang si Chel Diokno, isa sa mga abogado ng IBP, na minanipula nito ang mga mangingisda para gawin at ihain ang petisyon. Ang layunin ng petisyon ay atasan ang gobyerno na proteksyunan ang mga mangingisda laban sa pagpasok ng China sa karagatan ng bansa na nagbubunga na pagkasira sa kaligiran ng West Philippine Sea. Kaya, ang epekto nito ay pwersahin ang gobyerno na ipairal ang 2016 desisyong napanalunan ng bansa sa Hague Arbitration Court laban sa China sa pag-angkin nito sa karagatang sakop ng kanyang exclusive economic zone sa West Philippine Sea.
“Ang mga mangingisda mismo ang nagsampa ng petisyon dahil ang tanging nais nila ay makapangisda sa ating karagatan at kumita ng sapat para sa kanilang pamilya. Alam nila at pinahintulutan nila ito,” sabi ni Diokno. Inakusahan niya ang gobyerno ng paglabag sa legal ethics dahil, aniya, ang abogado ng Philippine Navy ay palihim na kinausap ang mga mangingisda. Sa isang pahayag na inilabas ni IBP National President Domingo Cayosa, sinabi niya na ang IBP ay matigas na naninindigan kasama ang mga mangingisda, IBP chapters at mga abogado na naghain ng petisyon para sa kalikasan sa Korte Suprema. “Itinataguyod ng IBP ang pagpapatupad ng mga batas para sa kaligiran, pagtatanggol sa karapatan at kapakanan ng mga mangingisda at pangangalaga sa teritoryo at yaman ng bansa sa West Philippine Sea,” dagdag pa niya.
Sa palagay kaya ninyo sino ang operator sa eksenang ito? Ang IBP ba sa pangunguna ni Diokno, kaya naisampa ang petisyon o ang Malacanang, kaya iniatras ito? Kung duduluhin mo ang isyu, malalaman mo ito sa kasagutan sa tanong na kung sino rito ang makikinabang? Ayon kay Solgen Calida, pagkatapos na ipatawag siya at mga abogado ng mga mangingisda ng Korte, nagkaisa raw sila na ipa-dismiss na ang petisyon, na pinabulaanan ni IBP President Cayosa. Aniya, hihingi sila ng panahon sa Korte para makausap ang mga mangingisda. Kaya, maliwanag na ang makikinabang sa pag-atras ng mga mangingisda ay ang Malacañang. Ito ang operator ng manipulation na nagresulta sa ginawa ng mangingisda. Bakit kasi sila aatras kung hindi sila lihim na kinausap ng abogado ng Philippine Navy, e para sa kanilang interes ang kaso? Laban naman sa Malacañang ang pagpapatuloy ng kaso, lalo na kung magwawagi ang mga mangingisda, dahil ang magiging epekto nito ay ang kautusan ng Korte na pairalin ang napanalunan ng bansa sa Hague Arbitration Court at pagbawalan ang China na manghimasok pa sa West Philippine Sea. Ito lang ang tanging paraan para matupad ang layunin ng mga mangingisda na naghain ng petisyon na malayang makapangisda sa karagatan ng bansa at kumita ng sapat para sa kanilang pamilya. Bukod dito, sa pagitan ng Malacañang at IBP, ang Malacañang, base sa karanasan ng sambayanan, ay mahilig magkalat ng fake news at hyperbole.
-Ric Valmonte