Hindi nababahala si Vice President Leni Robredo sa banta ng impeachment laban sa kanya dahil sa pagsuporta niya sa imbestigasyon ng United Nation Human Right Council, o UNHRC, sa drug war ng pamahalaan.

Vice President Leni Robredo

Vice President Leni Robredo

Sinabi ngayong Linggo ng tagapagsalita ni Robredo na si Atty. Barry Gutierrez na handa ang Bise Presidente na harapin ang anumang impeachment complaint.

“Ang taong walang kasalanan, walang ikinatatakot sa imbestigasyon. Paulit-ulit na sinabi ni VP Leni: ‘Kung gusto ninyo mag-file ng impeachment, sige lang, ‘di ba? Handa akong harapin iyan’,” sinabi ni Gutierrez sa radio program ni Robredo.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

“Handa siyang harapin dahil alam niya wala naman siyang maling ginagawa, tapat niyang tinutupad ang sinumpaan sa ilalim ng ating Konstitusyon,” ani Gutierrez.

‘BETRAYAL OF PUBLIC TRUST’

Kamakailan, sinabi ng Presidential Anti-Corruption Commission na dapat na ma-impeach ang Bise Presidente sa kanyang “expression of support to the UNHRC resolution.”

“For the nth time, she has made it appear that the government is guilty of human rights abuses, and that's betrayal of public trust. It's about time that she should be held to account for her political sins against the Filipino people,” ani PACC Commissioner Manuelito Luna.

Nauna nang sinabi ni Robredo na dapat na hayaan ng gobyerno ang pagsisiyasat ng UNHRC upang tuluyan nang mapasinungalingan ang mga alegasyon ng mga paglabag sa karapatang pantao sa ipinatutupad na drug war.

‘OPPORTUNITY’

Ito rin ang punto ni Rev. Fr. Jerome Secillano, Executive Secretary ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Permanent Committee on Public Affairs, nang igiit na magandang pagkakataon ang UNHRC probe upang matigil na ang mga pagdududa at batikos sa drug war ng bansa.

“I think this the opportunity for the government also to clarify issues and to instill the minds of the Filipino na wala naman talagang nangyayaring violation of the human rights," pahayag ni Fr. Secillano sa panayam ng Radio Veritas.

Ang nasabing resolusyon, na inihain ng Iceland, ay inaprubahan ng UNHRC nitong Huwebes, Hulyo 11. Nasa 18 bansa ang pumabor sa draft resolution, 14 ang kumontra, at 15 ang nag-abstein.

KAKALAS SA UNHRC

Kaugnay nito, sinabi naman ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na pinag-aaralan nila ang posibilidad na kumalas ang Pilipinas sa UNHRC.

“No embassy in Iceland. Nor does Iceland have an embassy here. Iceland took the place of the US after it withdrew from the Human Rights Council. I think we need to follow America more,” sagot ni Locsin sa isang Twitter user nitong Sabado.

Hunyo 2018 nang kumalas ang Amerika sa UNHRC na inakusahan ng una sa pagiging “chronic bias” laban sa Israel.

-Raymund F. Antonio, Beth Camia, Mary Ann Santiago, at Roy C. Mabasa