Ni Annie Abad

PUPULUNGIN ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman at 2019 Southeast Asian Games Chef de Mission William "Butch" Ramirez ang mga national sports associations na kalahok sa biennial meet 2nd Team Philippine Assessment Meeting ngayong Hulyo 17 sa Philippine International Convention Center (PICC).

Nais ni Ramirez na tapusin ng mga NSAs na sasabak sa 30th SEA Games ang listahan ng mga atletang pasok sa criteria para sa seleksyon ng koponan ng bansa.

"We need to come together as a group to agree on the criteria. The PSC recognizes its strengths and in this case our strength lies in the knowledge of our partners on their specific sports," pahayag ni Ramirez na makakasama ang mga opisyal at mga secretary generals ng mga NSAs gayundin ang mga pinuno ng Philippine Olympic Committee (POC).

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Ito ay sa kabila ng masalimuot na isyu ng liderato ng POC, siniguro ng PSC na handa ang bansa sa hosting ng SEAG.

Pagbabasehan sa pagpili ng mga atleta ang mga naging performance ng mga ito sa katatapos na Asian Games noong nakaraang taon at ang huling sabak nila ay sa Malaysia SEA Games.

"We are looking into using the latest SEAG, Asian Games and World-level performances of our athletes as bench-marks for selection. Basically the same criteria used by CDM teams in past multi-sports events we participate in but crafted to serve our purpose for the SEAG syempre," ayon kay Ramirez.

Buhat nang maatasan bilang CDM nitong Mayo, kayod marino ang ginagawa ni Ramirez upang siguruhin ang kahandaan ng bansa para sa hosting ng biennial meet kasama ng kanyang apat na commissioners na tumatayo ding kanyang mga Deputy Chefs De Mission (DCDM) na sina Celia Kiram, Ramon Fernandez, Charles Maxey at Arold Agustin, katuwang ang dalawa pang DCDM sa hanay ng mga dating atleta na sina Ada Milby ng Rugby at si Stephen Fernandez ng Taekwondo.

Matibay pa rin ang layunin ni Ramirez na ituon ang paghahanda para sa mga atleta at isasantabi muna ang mga isyu na hindi makakatulong sa paghahanda ng bansa para sa nalalapit na kompetisyon.

"We are keeping our focus on the athletes. Madaling madala sa mga issues but as our President instructed, we need to shield the athletes from all these confusion, so that is the direction we are taking," aniya.