“SA palagay ko ay oras na para ako magsalita. Ang inyong Speaker ay si Alan Peter Cayetano. Ibabahagi niya ang termino kay Lord Velasco at si Romualdez ang magiging majority leader. Pinilit kong huwag makialam, pero panahon na para ako magsalita. Iyan ang magiging balangkas. Pinag-uusapan lang natin hinggil sa mga lider, walang kinalaman ito sa kalayaan ng lehislatura,” wika ni Pangulong Duterte pagkatapos ng oath taking ng mga kahihirang na empleyado ng gobyerno sa Malacañang nitong nakaraang Lunes.
Sa nangyayari ngayon, wala nang kahihiyan ang mga kinatawang inihalal ng taumbayan. Kahit man lang pakitang-tao o kaunting delikadesa ipinakita nila na sila ay pinuno ng mga naghalal sa kanila at sila lang ang pagsisilbihan nila. Pero, hindi ganito ang ginawa nina Kongresista Cayetano, Velasco at Romualdez. Sunod nang sunod sila saan mang magtungo ang Pangulo at idinuldol nila ang kani-kanilang sarili para sa hinahangad nilang pang personal. Sa hangarin nilang maging Speaker ng mababang kapulungan ng Kongreso, na sa ilalim ng Saligang Batas ay isa sa tatlong departamento ng gobyerno na hiwalay at malaya, pati kapamilya ng Pangulo ay nilapitan at sinusuyo. Akala ba nila ang nilulunok lang nila ang kanilang karangalan? Niyuyurakan din nila ang dangal ng kanilang mamamayang pinangakuan nilang sila lang ang kanilang paglilingkuran.
Sa isang banda, hindi mo rin maaasahan sa mga nag-ambisyong maging Speaker ang matino at malalim na pagkaunawa sa kanilang posisyon dahil praktikal at sagad sa buto ang pagkatradisyunal ng pulitikong nagmaneobra sa kanila. Maaaring isinantabi na nila ang kahihiyan at delikadesa para singilin ang ipinangako sa kanila. Hindi naman nila kasing masidhing ipinursige ang personal nilang interes kung hindi sila pinangakuan bilang kabayaran ng pagtulong sa nangako sa kanila. Ang naging problema lang nila, na huli na lang nila nalaman, marami pala silang pinangakuan. Kaya, naging mahigpit at mainit ang kanilang tunggalian at pagpapakita ng kanilang kakayahan para sila maaasahan na die hard na tagasunod.
Hindi maganda ito para sa isang Kongresong malayang magtataguyod sa kapakanan ng bayan. Naririto ang mga kinatawan ng sambayan lalo na ang Kamara na iba’t ibang interes, kapakanan, at adbokasiya ang sinasagisag nito. Kaya lang nga, sabi ng Pangulo: “Ang inyong Speaker ay si Alan Peter Cayetano.” Idinikta na ng Pangulo ang pinuno at mga opisyal ng Kamara. Mangyayari ito dahil ang super majority ay kaalyado ng Pangulo. Dahil sa dikta ng Pangulo sa kanyang mga kaalyado, magiging Speaker si Cayetano at mananatili siya hanggang sa katapusan ng kanyang terminong idinikta ng Pangulo na siyang simula naman ng termino ng kanyang ka-term-sharing na si Velasco. Ang dalawa ay mananatili sa puwesto nang sunod-sunuran sa Pangulo. Kapag nagsumikap silang ipaglaban ang kapakanan ng bayan na taliwas sa kagustuhan ng Pangulo, talsik sila.
-Ric Valmonte