MATITIYAK na ang ligtas na paglalakbay ng mga residente mula sa isang liblib na barangay sa bayan ng Lambunao sa Iloilo sa panahon ng tag-ulan, at may sigurado na ring daan para maihatid sa palengke ang kanilang mga produkto matapos makumpleto ang isang 127-metrong hanging bridge sa lugar.

Pinasinayaan nitong Miyerkules ang P4.98-milyon tulay sa Barangay Agsirab, may 20 kilometro ang layo mula sa sentro ng bayan.

Ang proyekto ay pinondohan ng Kapit Bisig Laban sa Kahirapan – Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services National Community Demand Driven Program (KALAHI CIDSS NCDD) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), sa pakikipagtulungan ng barangay at ng pamahalaang bayan.

“The bridge connects the sitios to the main road. Without that hanging bridge, they have to cross the river, which is too dangerous during rainy days,” sinabi ni Lambunao Mayor Reynor Gonzales sa isang panayam.

Ang proyekto ay inaasahang pakikinabangan ng nasa 2,000 residente ng barangay.

Ayon sa alkalde, kung wala ang tulay, napakahirap para sa mga residente na madala ang kanilang mga produkto sa palengke.

Hindi lang pagsasaka ang pinagkakakitaan ng bayan ng Lambunao, partikular na ang Bgy. Agsirab, dahil nakatutok din sila sa pagtatanim ng mga halamang-ugat.

Sinabi ni Mayor Gonzales na kung walang madadaanan ang mga residente, hindi ang sila makapagbibigay ng tamang presyo, dahil kailangan muna ng mga itong akuin ang ginastos dahil sa laki ng kanilang pinaluwal sa produksiyon at transportasyon.

“The hanging bridge will serve as a connector to make it faster for people living in sitios to bring their products to the market,” dagdag pa ni Mayor Gonzales.

Aniya, dati nang may hanging bridge sa barangay, ngunit nasira ito sa pananalasa ng bagyong ‘Frank’ noong 2008.

At kung sakaling mayroong emergency, mahirap masaklolohan ang lugar kung wala ang tulay, ayon pa sa alkalde.

Ang 127-metrong tulay ang pinakamahabang hanging bridge sa probinsiya ng Iloilo.

Ang pagbabasbas at inagurasyon ay pinasinayaan ng mga opisyal ng DSWD regional office, sa pangunguna ni Assistant Regional Director Delia Bagolcol, at ng mga lokal na opisyal ng Lambunao, tulad nina Mayor Gonzales at Vice Mayor Arvin Losaria, kasama ang mga opisyal ng Bgy. Agsirab.

PNA