SA Lunes, Hulyo 22, opisyal nang magsisimula ang 18th Congress subalit marami nang senador at kongresista ang naghayag ng mga panukalang ihahain o isusulong nila sa mga susunod na sesyon ng Kongreso.
Sinabi ni Senate President Vicente Sotto III na inihain niya ang Senate Bill 7 na magpupursige para sa pagsasagawa ng hybrid national at local elections sa pamamagitan ng manu-manong botohan at bilangan sa precinct level, habang automated naman ang pagpapadala at canvassing ng mga resulta.
Hangad ng panukala ni Sotto na maituwid ang pinaniniwalaan ng marami na kahinaan ng kasalukuyang sistema ng automated elections. Sa ilalim ng umiiral na sistema, minamarkahan ng botante ang kanyang balota sa pagpupuno ng itim sa bilog na nasa tapat ng pangalan ng kandidatong iboboto. Pagkatapos ng botohan, ilalabas ng voting machines ang resulta ng botohan, gayundin ang nakalap na boto ng bawat kandidato. Ang mga resultang ito mula sa voting precinct ang ipadadala sa municipal center, kung saan susumahin ang lahat ng boto ng mga precincts. Ang kabuuang tasa ng bawat lokal na pamahalaan ang ipadadala naman sa national center.
Ang pagsusuma ng mga boto ay ginagawang lahat ng makina. Mabilisan ito, kaya nakatitipid sa oras. Subalit pinagdududahan ang mga resultang inilalabas ng makina. Iyon ay dahil ang mga makinang ito—gaya ng anumang computerized equipment sa panahong ito ng information technology—ay maaaring i-program upang maglabas ng paborableng resulta. Walang pruweba na maaari nga ito, pero mayroon ngang posibilidad. Kaya naman hindi nawawala ang mga pagdududa.
Hangad ng panukala ni Senate President Sotto na mapawi ang mga pagdududang ito sa pagbibigay ng manu-manong bilangan sa precinct level. Gugugol ito ng oras, dahil kakailanganin pang suriin ng mga election officers ang bawat balota at ihayag ang bawat pangalan ng kandidatong ibinoto, saka ito mamarkahan ng bilang sa pisara para makita ng lahat. Ito ang sasaklawin ng manu-manong bahagi ng botohan.
Susundan ito ng karaniwan nang automated transmission at canvassing ng mga botong nakalap sa mga voting precincts. Ang anumang pagkakaiba sa kabuuang bilang ay maaaring maikumpara sa binilang nang manu-mano mula sa mga precincts, alinsunod sa panukala ni Sotto. Hindi ito uubra sa ngayon dahil total automation ang umiiral na sistema mula sa simula hanggang sa huli.
Sa huling paghahalal ng pangulo noong 2016, iniulat ng National Citizens Movement for Free Elections (Namfrel) ang pag-eksena ng hindi awtorisadong transparency queue server sa kasagsagan ng pagtanggap ng mga datos mula sa mga voting precincts sa iba’t ibang dako ng bansa. Sa huling midterm elections noong Mayo, 2019, nagkaroon din ng hindi maipaliwanag na pitong oras na interruption sa pagtanggap ng mga datos.
Posible kayang nabago ang mga resulta ng botohan mula sa mga voting precincts sa mga interruptions na ito? Imposibleng malaman ang sagot sa tanong na ito dahil nangyayari ang lahat sa loob ng mga makina. Sa isang hybrid election, gaya ng ipinapanukala ni Sotto, maaaring ikumpara ang kabuuang resulta ng automated sa mga manu-manong binilang sa mga presinto.
Automated na ang ating paghahalal simula 2010, at tanggap natin ang mas mabilis na prosesong hatid nito, partikular sa maagang pagtukoy ng bansa sa mga nanalo sa presidential-vice presidential at senatorial elections. Subalit laging nariyan ang mga pagdududa dahil sa kawalan ng transparency sa kabuuan ng proseso.
Ang panukala ni Senate President Sotto ay mangangahulugan ng mas maraming oras sa manu-manong pagbibilang sa mga voting precincts, subalit katumbas naman nito ang katiyakan ng transparency at ang lubusang pagtitiwala sa proseso ng eleksiyon.