MUNTIK nang sukuan ni Kathryn Bernardo ang shooting ng pelikula nila ni Alden Richards na Hello, Love, Goodbye, na isang buwang kinunan sa Hong Kong.

Base ito sa kuwento ng aktres sa ginanap na mediacon ng pelikula nitong Martes, Hulyo 9, sa Dolphy Theater.

Wala raw problema ang hirap sa shooting, ang hindi nakayanan nin Kathryn ay ang homesick, at ang hindi niya makausap at makita ang boyfriend niyang si Daniel Padilla.

Sa pitong taong relasyon kasi ng dalawa ay walang oras o minutong hindi sila nag-uusap, at walang araw ang lumilipas na hindi sila nagkikita.

Tsika at Intriga

Maris, namundok matapos maeskandalo kay Anthony

Kaya totally shocked si Kathryn sa naranasan niya sa Hong Kong, bukod pa sa hindi rin siya masyadong kinakausap ng co-actors at production staff, base na rin sa bilin ni Direk Cathy Garcia-Molina, bilang motivation ng aktres sa karakter na ginagampanan niya bilang OFW.

Kuwento ni Kathryn sa hindi nila pagkikita ni Daniel, “Hindi naging madali. Mahirap para sa amin, kasi for 6-7 years, kami ang magkasama sa trabaho. So, kahit nagtatrabaho kami abroad okey kasi kami ang magkasama. Hindi ito para sa akin (OFW).

“Maraming opportunities abroad pero marami rin dito (‘Pinas). Hindi siya madali, dapat ‘pag pumunta roon buo ang loob. Hindi dahil kailangan nila pero malungkot ka.

“Dapat i-consider din ‘yung gusto natin. Hindi para sa lahat. Ako one month lang sa Hong Kong pero parang grabe ‘yung pagka-homesick. Grabe ‘yung lungkot, hindi ka makatulog nang maayos, kasi nami-miss mo ‘yung kama mo, ‘yung pamilya mo. Itanong mo sa sarili mo if it is worth your sacrifices if you really want it and if you really need it.”

Sinabi rin ni Kathryn na hindi nagkulang ng suporta sa kanya si Daniel.

“Hindi siya nagkulang sa suporta, roon ko siya lalong na-appreciate. Kasi noong first week ko, sinabi kong umiiyak ako every night. Gusto ko nang magpa-book pabalik ng ‘Pinas. Ayoko nang tapusin ang movie kasi hirap na hirap na ako.

“So kausap (video call) ko siya every night, kaya nakikita niya ako, kung ano ang nangyayari sa akin. So ang nangyayari, hindi rin siya nakakatulog kasi nag-aalala siya sa akin.”

Usapan ng magsing-irog ay mag-a-update sila parati sa isa’t isa, pero hind ito nangyari.

“Kinuha ‘yung phone ko, kaya sabi ko ‘oh my God paano ako mag-a-update?’

“Tapos kapag may mabibigat akong scene, bawal ako sa phone. So hindi ako nakaka-update sa kanya (DJ). So sabi niya pupunta na lang siya, dadalaw na lang siya.”

Natanong si Kathryn kung ano ang kaibahan, gayung locked-in din sila sa Ormoc City nu’ng ginawa niya ang Three Words to Forever kasama sina Richard Gomez at Sharon Cuneta.

“Iba ngayon na magkahiwalay. Kasi sa Three Words to Forever, lock-in din kami sa Ormoc pero hindi ganoon katagal. Tapos pumunta siya (Daniel). And more of a family movie iyon. Hindi siya naging madali para sa amin pareho,” katwiran ng dalaga.

Kasama naman ang mommy Mhin Bernardo ni Kathryn, plus si Direk Cathy, na anak-anakan siya, at ang kaibigan nila ni DJ na si Joross Gamboa sa Hong Kong, kaya medyo kampante si Daniel na magkalayo siya ng babaeng minamahal.

“Ang naging challenge lang sa amin ‘yung ganoong katagal naghiwalay na super hirap kaya supportive siya, all out siya rito sa movie,” sabi pa ng aktres.

Inamin ding kamuntikan siyang maaning-aning dahil nga sa utos ni Direk Cathy na hindi dapat siya kinakausap ng mga kasama nila sa pelikula.

“Na-deprive talaga ako ng communication. Lalo na kapag may heavy scenes akong kukunan,” kuwento ni Kath.

Ang katwiran naman ni Direk Cathy,“I just felt to do it with Kathryn dahil she has fairly a good life. Hindi sila naghirap. So, ano ang definition ng pain and suffering?

“Malayo sa definition niyon kay Joy (karakter ni Kathryn). Kaya sabi ko iaarte mo lang ito so, nobody will believe in you?’ So it has to be real para mapaniwala ang tao. Kailangan na ma-feel talaga niya ang pain ni Joy.”

Sa sinabing kamuntikang sukuan ni Kathryn ang Hello, Love Goodbye ay nagbago ang isip niya nu’ng paliwanagan siya ng direktor nila.

“Sinabi niyang kailangang hindi siya (Direk Cathry) maging nice sa akin. Kailangan ding magustuhan ko ang ginagawa ko, dahil hindi iyon magwo-work kung hindi ko magugustuhan. And inakap ko na lang ‘yung role. Tinanggap ko ‘yung panibagong challenge and sa push ni DJ na gawin ko ito.

“Kasi alam ng lahat na ginagawa ko ito para magawa ko ng maayos ang role. And I made the right choice dahil sila ‘yung mga taong gusto kong gawin ito para maibigay ko ‘yun sa role.

“Nakatulong. Sobra-sobrang nakatulong pero hindi siya naging madali, hindi iyon ang paraan na gusto ko. Pero napakalaking tulong at experience para magawa ko ‘yung role ni Joy nang maayos,” kuwento ng aktres sa mga pinagdaanan niyang hirap sa shooting.

Sabi naman ni Direk Cathy, ayaw niyang sabihing maganda at magaling si Kathryn sa pelikula. Panoorin na lang daw muna at saka siya magbabasa ng feedbacks.

Kaya sabay-sabay nating panoorin ang Hello, Love, Goodbye sa Hulyo 31, mula sa panulat ni Carmi Raymundo at produced ng Star Cinema. Kasama rin sa cast sina Joross, Maymay Entrata, Jeffrey Tam, Kakai Bautista, Lovely Abella, at Jameson Blake.

-Reggee Bonoan