PINAALALAHANAN ni Games and Amusement Board (GAB) Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra ang mga propesyunal players na may aktibong lisensya sa ahensiya na kailangan nilang humingi ng permiso bago ang pagsabak sa amateur league at iba pang kompetisyon.
Iginiit ni Mitra, dating Palawan Governor at Congressman, na nakasaad sa GAB Resolution2018-14 Series of 2018 na walang amyenda na ginawa sa naunang Resolusyon No.2017-13 Series of 2017 “ Requiring All Professional Athletes to inform the GAB of the amateur tournament or competition they are temporarily participating in and the duration thereof”.
“Wala pong amyendang ginawa sa naturang Resolusyon kaya naman po dapat po itong sundin at kailangan naman namin ipatupad,” pahayag ni Mitra.
“Actually, ang layunin nito ay ma-monitor ang mga players para malaman kung natutupad pa rin ba nila yung mga responsibility nila bilang isang pro players,” aniya.
Ang pahayag ni Mitra ay bilang paglilinaw sa ilang isyu na kinasasangkutan ng mga dating pro players na nawalan ng kontrata sa pro league at ngayo’y naglalaro bilang mga amateur umano sa iba’t ibang commercial league at semi-pro league tulad ng Maharlika Pilipinas Basketball League at Manila League.
“They shall continue to conduct themselves as professional athletes and observe the principles of sportsmanship and fair play. Conduct that is unbecoming of professional licensees of the Board shall be treated as actionable conduct and may serve as grounds for administrative disciplinary action before the Board,” batay sa GAB Resolution No. 2018-14 na nilagdaan ni Mitra kasama ang mga commissioners na sina Eduard Trinidad at Mario Masanguid.