SA nakalipas na ilang linggo, ‘tila hindi makapagdesisyon ang Kamara de Representantes hinggil sa pagpili ng susunod na Speaker. Sinabi ni Pangulong Duterte na dapat magdesisyon nang sarili ang Kamara, ngunit ngayong dalawang linggo na lang ang nalalabi bago ang muling pagbubukas ng Kongreso, ‘tila labu-labo, at walang kakayahang magdesisyon ang Kamara sa anumang isyu.
Ang Senado na may 24 na miyembro ay matagal nang nakapagdesisyon para sa organisasyon nito, upang sa pagsisimula ng 18th Congress sa Lunes, Hulyo 22, mabilis na maisasapinal ng Mataas na Kapulungan ang lahat—ang mga lider nito, mga pinuno ng komite at mga miyembro, at iba pang bagay, upang matiyak na handa na ang Senado sa pagbubukas ng sesyon nito. Matapos nito, maaari nang magtungo ang mga senador sa Batasan Complex sa Quezon City upang samahan ang Kamara sa isang joint session para pakinggan ang State of the Nation Address ni Pangulong Duterte.
Taliwas sa kahandaan ng Senado, nagkakagulo ang Kamara nitong Lunes. Inihayag ng Pangulo na nagdesisyon na siyang manghimasok dahil ang sitwasyon “was creating so much uncertainty.”
Kaya naman, sa pagbibigay ng Pangulo ng kanyang ikaapat na SONA sa Hulyo 22, si Speaker Alan Peter Cayetano ng Taguig-Pateros, isang Nacionalista, ang makakatabi niya sa entablado, kasama rin si Senate President Vicente Sotto III, ng Nationalista People’s Coalition. Pagkalipas ng 15 buwan, si Rep. Lord Allan Velasco ng Marinduque, ng PDP-Laban ng administrasyon, ang magiging Speaker at magsisilbi sa natitirang 21 buwan ng First Regular Session ng 18th Congress.
Tunay namang napakahirap makuha ang suporta ng mayorya ng 304 na miyembro ng Kamara, lalo’t walang dominanteng partido sa Mababang Kapulungan. Ang PDP-Laban ang may pinakamaraming miyembro, 84; kasunod ang Nacionalista Party (NP), 42; ang Nationalist People’s Coalition (NPC), 36; at ang National Unity Party, 25. Binubuo nila ang maka-administrasyong koalisyon sa Kamara. Ang Liberal Party (LP) na may 18 miyembro, ang Lakas na may 11, at ang mga kinatawan ng mga party-list, 61. May ilan ding kongresista na inihalal bilang kandidato ng kanilang sariling lokal na partido. Higit na mas magaan noon ang Kamara sa panahon bago ang batas militar, noong dalawang partido lang—ang NP at LP—ang namamayagpag sa pulitika ng Pilipinas.
Kapag walang malakas na lider ang Kamara, magdurusa ang lehislatibong proseso. Noong nakaraang 17th Congress, maraming kongresista ang sumubok na magsingit ng ilang tiyak na pondo—na umano’y “pork barrel”—sa appropriation bill na dahilan sa pagkaantala nang tatlong buwan sa Kongreso para maaprubahan ang 2019 National Budget.
Ngayong nakialam na si Pangulong Duterte upang umusad ang Kamara, dapat na itong magpatuloy bilang isang malayang kapulungan ng isang malayang Kongreso. Maraming panukalang-batas ang nangangailangan ng atensiyon, ngunit pinakamahalaga ang national appropriation bill, ang pambansang budget, na hindi na dapat pang maantala tulad noong nakaraang taon.