Patuloy pa rin ang kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga sa kabila ng resolusyon ng United Nations Human Rights Council (UNHRC) na imbestigahan ang war on drugs sa Pilipinas.

PROBE

Ito ang pinaninindigan ng Malacañang at iginiit ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na hindi sila magpapatinag.

Sa ngayon ay nagsasagawa na ng preliminary investigation ang UNHRC kaugnay ng mga napatay sa giyera kontra-droga ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Nasa 18 sa 47 mga bansa na kasapi ng UNHRC ang pumabor sa desisyong inihain ng Iceland para siyasatin ng konseho ang drug war sa Pilipinas.

Kabilang sa mga ito ang Argentina, Austria, Australia, Bahamas, Bulgaria, Croatia, Czek Republic, Denmark, Figi, Iceland, Italy, Mexico, Peru, Slovakia, Ikraine, UK of Great Britain, Northern Island at Uruguay.

Sa ilalim ng nabanggit na resolusyon, hinihiling nila kay UN Secretary General Michelle Bachelet na maglabas ng komprehensibong report kaugnay ng sitwasyon sa Pilipinas at iharap ito sa konseho.

Pinayuhan naman ng Commission on Human Rights (CHR) ang pamahalaan na makipagtulungan sa imbestogasyon bilang kasapi ng konseho.

Sinabi ng CHR na ang resolusyon ng UNHRC ay oportunidad para sa pamahalaan na pagbutihin pa ang sitwasyon ng human rights sa bansa.

Iminungkahi rin ng CHR sa gobyerno na i-review ang mga misguided na polisiya tungkol sa usapin ng karapatang-pantao, lalo na ang hindi pagbibigay ng access sa Special Mechanisms on Human Rights.

Kaugnay nito, nagbanta si Duterte na ipalalabas niya ang kontrobersiyal na sex video clip ni Senator Leila de Lima kapag nagpumilit ang UNHRC na imbestigahan ang war on drugs sa Pilipinas.

Sabi ng pangulo, nais niyang ipakita sa UNHRC ang ginagawa ni  de Lima para magdalawang-isip ito sa pag-iimbestiga sa bansa.

Iginiiit ng Pangulo, ang problema sa UNHRC ay nagpapaniwala ito sa mga sabi-sabi, lalo na kay de Lima na kuwestyunable naman ang moralidad.

Pero nilinaw ng Pangulo na hahayaan niya ang UNHRC na ilahad ang kanilang pakay at saka niya ito pag-aaralan.

Kinuwestyon din ng Malacañang ang ginawang adoption ng UNHRC sa inihaing resolusyon ng Iceland na humihirit ng imbestigasyon sa war on drugs campaign ng pamahalaan.

Malaki ang paniwala ni Presidential Spokesman Atty. Salvador Panelo na invalid ang hakbang na ito ng UN dahil hindi naman nakakuha ng simple majority ang botohan na ginawa ng 47 na  bansa.

Paliwanag ni Panelo, dapat ay umabot sa 24 ang bilang mga boto para makuha ang simple majority at hindi 18 lamang.

Ayon pa sa kanya, sa 18 botong pumapabor sa resolusyon ng Iceland ay nangangahulugang mayorya pa rin sa 47 miyembrong bansa ng UNHRC ay hindi kumbinsido sa inihaing resolusyon.

Maliban aniya sa one-sided ay malinaw na malisyoso rin ito at nagpapakita ng kawalan ng respeto sa soberenya ng bansa.

Hinamon naman kahapon ni Senator Ronald "Bato" dela Rosa ang UNHRC na patunayan ang alegasyon nito na pakana ng administrasyong Duterte ang mga insidente ng pagpatay at magpapapugot ito kapag nagawa nila ito.

Isinapubliko ni Dela Rosa ang reaksyon nang dumalo ito sa 2nd

founding anniversary ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PNP-DEG) sa Camp Crame, kahapon.

Ipinahayag din nito na pumapayag siyang magpa-imbestiga sa UNHRC “dahil wala naman umano itong itinatago.”

"Kung gusto nila, wala naman tayo itinatago kaya tama 'yan. Investigate kung anong gusto nilang malaman. Come here and cut my head off if this is state-sponsored, 'yung alleged EJKs [extra-judicial killings]. You can come down and cut my head if this is state-sponsored. Tapos ang usapan,” pagdidiin pa ni Dela Rosa.

Nitong Huwebes, napagkasunduan ng UNHRC sa Geneva na gamitin ang nasabing resolusyon na humihiling na magsagawa ng preliminary investigation laban sa Pilipinas kaugnay ng war on drugs campaign nito.

-Beth D.Camia at Martin A. Sadongdong