BATAY sa Journal of Proceedings ng 1986 Constitutional Convention, nagdesisyon ang Korte Suprema noong 2002 sa kasong Socrates v. Comelec, na ang Section 4 at Section 7 ng 1987 Constitution ay hindi tuwirang ipinagbabawal ang muling pagkandidato para sa dating puwesto ng mga mambabatas, kundi gabay lamang sa naturang isyu.
Isinasaad sa Section 4 ng Konstitusyon a hindi maaaring manilbihan ang isang senador ng lampas sa dalawang magkasunod na anim na taong termino, samantalang sinasabi naman ng Section 7 na hindi puwedeng manilbihan ang isang kongresista nang lampas sa tatlong magkakasunod na termino.
Sa kapasyahan ng Korte Suprema, sinabi nitong ang mga panuntunang naturan ay hindi tuwirang pagbabawal sa muling pagkandidato ng mga mambabatas pagkaraan ng isinasaad na panahon.
Dahil ang Korte Suprema ang tagapag-kahulugan ng batas, masugid itong sinusunod ng Comelec na ang madaliang mga desisyon ay dahilan din kung bakit maraming mambabatas ang ‘tila hindi alam ang pagkakaiba ng seryosong pagbabalangkas ng batas at ng karaniwang paglilingkod-bayan.
Kung hindi babaguhin at itutuwid ng Korte ang pakahulugan sa naturang probisyon ng Saligang Batas, pabalik-balik tuwina ang mga mambabatas at patuloy nilang gagawing tanghalan ng nakatatawang komedya ang Kongreso.
Nakalulungkot na ang naunang kapasiyahan ng Korte ay muling naulit nang iresolba nito ang isyu kaugnay sa party-list, na itinalaga ng 1987 Konstitusyon upang magkaroon ng tunay na representasyon ang mga SAGIGILID. Alam natin na naging dahilan ito para gawing palaruan ang lehislatura ng maimpluwensiyang mayayaman at makapangyarihan.
Sadyang kailangang bisitahin muli at baguhin ng Korte ang mga naunang kapasiyahan at pakahulugan nito sa tunay na intensiyon ng mga probisyon ng Saligang Batas kaugnay ng party-list system, at limitasyon sa termino ng mga mambabatas. Sa pamamagitan nito, maisasaayos at mapapatibay ang political system ng bansa at malilimitahan ang laro ng mga oportunista at hindi naman karapat-dapat na mga mambabatas.
Gaya ng puna at tahasang kritisismo ng isang mamamahayag, dahil sa masalimuot na kapasyahan ng Korte, “naging tambayan tuloy ang Senado at Kamara ng mga patapon”. Tinatawag natin silang mambabatas ngunit higit nilang gusto ang maging tagapalakpak lamang sa halip na gampanan ang papel ng tunay at kagalang-galang na tagapagbalangkas ng makabuluhang mga batas.
Sa totoo lang, wala sa Kongreso ngayon ang kahit na kaluluwa ng dating hinahangaang matalino at marangal na mga debate noon. Sa halip, maraming mambabatas ngayon ang takot tumayo at idepensa ang kanila mismong panukalang batas.
Sadya nga itong nakakalungkot at nakakahiya.
-Johnny Dayang