ANG panahong ito ang pinakamagandang pagkakataon para marating ng mga Manileño at iba pang taga-karatig siyudad, ang ipinagmamalaki ko na mga baratilyong lugar sa Maynila, na mabibilihan ng mga murang paninda at serbisyo, kumpara sa naglalakihang malls sa Metro Manila.
Samantalahin natin ang kainitan ng kampanya ng bagong upong Gatpuno (Mayor ng Maynila) na si Francisco “Isko Moreno” Domagoso—at sana hindi ito maging ningas kugon lamang—na linisin ang mga bangketa at kalsada sa mga pangunahing distrito ng lungsod, na magpapabilis sa biyahe patungo sa mga lugar ng baratilyo.
Hindi lang bumilis ang pagpunta sa mga lugar na ito, gaya ng Quiapo, Sta Cruz, Binondo, Divisoria, bagkus nabawasan—kundi man tuluyan nang nawala—ang mga kinatatakutan ng mamamayan na mga snatcher, holdaper, sidestreet swindler, at mga salisi na peste sa mga dumarayo sa lugar upang mamili.
‘Wag kayong magpabola sa mga katakam-takam na advertisement sa social media upang bumili ng mga mura na damit, gadget at ibang pang gamit dahil karamihan sa mga panindang ito ay mababa ang kalidad, bukod pa sa walang kasiguruhan kung maayos itong magagamit dahil hindi ninyo personal na nahawakan, nakita at na-testing.
Maniwala kayo sa akin – sa sampung gadget na nabili ko sa online shopping na naka-advertise sa Facebook, lahat palpak, lalo na ‘yung mga “buy one take one” na promo! Sa totoo lang mas mahal ang mga ito!
Sa paligid ng simbahan ng Quiapo o Plaza Miranda, sa mga lumang gusali rito, matatagpuan ang lahat halos ng murang paninda na pang personal na gamit.
Dapat lang marunong kang tumawad para makamura nang husto. Huwag mahiyang tumawad nang kalahati agad sa presyong sasabihin sa ’yo!
Sa Kalye Hidalgo naman matatagpuan ang magagaling na mekaniko ng mga camera at bilihan ng mga “pre-loved” o segunda mano na mga gadget.
Ang halos lahat ng gamit pang-elektroniko na may napakamurang presyo ay matatagpuan naman sa Gonzalo Puyat Street (Raon) at sa mga eskinita sa paligid nito.
Sa kabilang kalsada ng Rizal Avenue ay ang Kalye Florentino Torres, kung saan matatagpuan naman ang mga construction at finishing materials ng mga ginagawang bahay.
Sa Kalye Tomas Mapua (dating Misericordia), ang lugar na bilihan ng lahat ng klase ng “bolts & nuts” at mga turnilyo, mula sa pinakamaliit hanggang sa gamit na pambarko, siguradong mayroon dito.
Katabi nito ang Arranque Market, sa kanto ng Tomas Mapua at C. M. Recto Avenue, pati na rin sa ‘di kalayuang Kalye Ongpin ng Binondo—ay ang bilihan naman ng mga murang alahas na yari sa ginto at pilak.
Ito ang paborito ko—sa mga kalye naman ng Paterno, Estero Cegado, at Sales matatagpuan ang mga Optical Shop na mabibilhan at mapagpapagawaan ng pinakamurang eye glasses. Ang presyo rito – lalo na ‘yung may “progressive lens”–halos 30 porsiyento lang ang halaga kumpara sa mabibili sa mga mall, at puwede pang hintayin!
Ang hanapin ninyo ay ang Vista Prima Optical Clinic ninaDoc Mike at Doc Grace Santos sa Kalye Paterno. Sobrang natuwa ako sa serbisyo at presyo sa naturang optical shop kaya naengganyo akong magpabalik-balik sa kanilang clinic kasama ang ilan kong kaibigan.
Isa pa sa paborito ko – baratilyong pagawaan ng pustiso na matatagpuan sa ‘di kalayuan sa Palasyo ng Malakanyang, sa likuran ng Centro Escolar University (CEU) sa Mendiola Street.
Ito ang tip para sa murang serbisyo – hanapin ninyo si Mary Ann Borres, at sabihing nabasa ninyo sa #ImbestigaDAVE ng BALITA ang hinggil sa mura nilang paggawa ng pustiso!
Sa Divisoria matatagpuan ang iba’t ibang murang produkto – mula sa mga kalye ng Juan Luna, Ylaya, Tabora, Carmen Planas, Bilbao, Sto Cristo at Asuncion – gaya ng mga damit, tela, sapatos, kagamitan sa bahay, laruan, souvenir sa kasal at iba pang okasyon, dekorasyon, gulay, prutas at iba pang mga electronic gadget na mga imported mula China.
May malalaking mall na rin sa Divisoria – Tutuban Mall, Divisoria Mall, 168 Mall, at 999 Mall — na ang sistema ng pagbebenta ay katulad din ng mga sinaunang puwesto sa mga kalye na aking nabanggit.
Ano pa hinihintay ninyo, happy shopping!
(Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459, o mag-email sa [email protected])
-Dave M. Veridiano, E.E.