“NANANAWAGAN kami sa mga bagong halal na mga kongresista na manindigan kasama ang mga Pilipinong mangingisda sa pagtataguyod ng ating mga karapatan sa soberenya at teritoryo at papanagutin si Pangulong Duterte.
Ang kanyang mapagkanulong kasunduan kay Xi ay nagresulta sa matinding panggigipit ng China sa mga Pilipinong mangingisda, sa malawakan nilang pangingisda sa ating teritoryo at pandarambong sa kapaligiran at pagsira sa West Philippine Sea,” wika ng dating Anakpawis party list representative at ngayon ay national chairman ng Pamalakaya na si Fernando Hicap. Ayon kasi sa kanya, sa kabila ng banta ng Pangulo, ipagpapatuloy nila ang pagsasampa ng impeachment complaint laban dito para mapangalagaan ang nalalabi pang yamang-dagat sa West Philippine Sea, sa harap ng kapabayaan ng administrasyong Duterte na proteksyunan ito. E, ang mababang kapulungan ng Kongreso ang pinagsasampahan ng impeachment complaint at mag-i-impeach sa mga impeachable official ng bansa gaya ng Pangulo. Ang mga batayan, aniya, ng kanilang reklamo ay ang paglabag ng Pangulo sa Saligang batas, treason at betrayal of public trust sa pagkokompormiso sa China ng West Philippine Sea at karapatan ng mga mangingisdang Pilipino.
Sa ikabubuti ng bayan, may matapang kundi man kasing tapang ng Pangulo, na nakahandang sumalungat sa kanya tulad ng Pamalakaya. Sa kabila ng kanyang matapang na pahayag na dadakpin at ipakukulong niya ang sinumang magsasampa ng impeachment laban sa kanya, gagawin ito ng Pamalakaya. Ang gagawin ng Pamalakaya ay karapatan at tungkulin ng kahit sinong mamamayan. Masusubok dito ang katapangan ng Pangulo at ang kanyang ginawa kung ito ay naaayon sa Saligang Batas o nakapipinsala sa mamamayan. Hindi puwedeng sa demokrasya—na ang kapangyarihan ng mga nagpapatakbo ng gobyerno ay nagbubuhat sa taumbayan, ay gawing matuwid ang kanilang ginagawa sa pamamagitan ng dahas at pananakot. Maaaring sa kanila, ang kanilang ginagawa ay makabubuti sa mamamayan, tulad ni Pangulong Digong na paulit-ulit niyang ikinakatwiran na ang palihim niyang pakikipagsundo sa China na nagpapahintulot na mangisda sa ating karagatan ay upang maiwasan ang gulo. Baka, aniya, pagmulan ito ng digmaan na hindi natin kayang itaguyod kapag pinigil silang mangisda. Pero, may patakaran nang inilatag ang taumbayan na dapat sundin ng sinumang pagkakalooban nila ng kapangyarihan. May Saligang Batas na kanilang nilikha na magiging gabay sa relasyon nila sa kanila na dapat sundin. Kaya, hindi dapat mangibabaw ang kanilang kagustuhan o layunin kahit ba sa akala nila ay ikabubuti ito ng bayan. Lalong hindi dapat manaig ang kanilang pananakot at panggigipit laban sa sinumang mamamayan na susubok sa kakayahan ng prosesong magtitiyak kung tama ang kanilang ginagawa. Lalo na kung ang susubok nito ay iyong napinsala ng kanilang aksiyon tulad ng mga mangingisdang kinakatawan ng Pamalakaya. Walang puwang sa demokrasya ang pananakot at paggamit ng dahas sa pamamahala.
-Ric Valmonte