PATULOY ang pag-unlad ng industriya ng abaka sa probinsiya ng Catanduanes dahil na rin sa natatanggap nitong tulong mula sa Provincial Tourism Office makaraang isama ito sa tourism program.

Pagbabahagi ni Carmel Bonifacio-Garcia, Tourism Officer ng probinsya, ang lokal na pamahalaan ay nagsisikap upang maipalaganap ang tinatawag nilang industriya ng “Manila Hemp”, na lubos na nakaranas ng paghina dahil sa pananalanta ng bagyong “Nina” noong Disyembre 2016.

Ayon kay Garcia, noong Mayo, inilunsad ng lokal na pamahalaan ng Catanduanes ang pinaka-unang pagdiriwang ng “Abaca Festival”, upang matulungan na rin ang mga magsasaka at mga mababalot ng abaka na kilala sa tawag na “paraha’got”. Nakisali rin ang mga ito sa iba’t ibang mga aktibidad na inihanda, lalo na ang inaabangang street presentation sa kabisera ng probinsya.

Dagdag pa ni Garcia, “The participants from the 11 municipalities and villages brought their own products made of abaca fiber and presented it to the invited guests and visitors of the province. The abaca festival will be regularly conducted every last week of May.”

Sa Oktubre naman, aniya, gaganapin ang Catandunganon Festival at pinaplanong isama sa programa ang industriya ng probinsya sa pag-aabaka, bilang bahagi na rin ng pagdiriwang ng pagkakatatag ng probinsiya sa Oktubre 26.

Sa paglipas ng panahon, ang industriya pa din ng pag-aabak ang pangunahing hanapbuhay ng mga Catanduanon.

Ang industriya ng abaka ng probinsya ay sumikat noong panahon pa ng mga Kastila. Noong panahong ito nakilalang tawagin ang abaka bilang “Manila Hemp” at ang probinsiya ay tinatawag na “Abaca Capital” ng Pilipinas at ng mundo.

Ayon naman sa isang hiwalay na panayam kay Angel Valeza, officer in charge ng Provincial Agricultural Office, base sa kanilang mga datos, halos 72 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga pamilya sa Catanduanes ay nakatuon o umaasa sa pagtatanim o pagbabalat ng abaka, kasunod ang pangingisda at pagtatanim ng iba pang produkto.

Karamihan ng abaka ay ini-export sa Europa at iba pang bansa sa Asya, kasama na ang Japan. Ang hibla ng abaka ay ginagamit sa paggawa ng tela, produktong papel, pera at mga damit.

“In 2015, the volume of production of abaca fiber in Catanduanes was 70,356.41 metric tons but after Typhoon Nina (international name Nock-ten) hit the province in December 2016 and a virus attack, the volume of production in 2016 went down to 26,864.22 metric tons and it continued to decrease in 2017 to 23,271.78 percent or a 13.37 percent decrease from the previous year,” ani Valeza.

Noong 2017, sa datos ng Fiber Development Authority (FIDA), may kabuuang ay 24,023 ektarya, ang lugar na natamnan ng abaka mas mababa sa naitalang 25,367 ektarya noong 2016.

Ayon sa tala, ang produksyon ng buong mundo ng abaka noong 2013 ay 64,319.54 metrikong tonelada. Sa bilang na ito, 55,958 metrikong tonelada ay mula sa Pilipinas at ang karamihan ay galing sa Catanduanes.

Ang patuloy na pagbaba ng produksyon ng abaka sa Catanduanes ang dahilan kung bakit nagkaisa ang lokal at pambansang pamahalaan sa pamamagitan ng FIDE, upang muling maibalik ang nawalang sigla ng industriya.

Binibigyan ng FIDA at ng Kagawaran ng Agrikultura ng tulong ang mga magsasaka ng abaka sa pamamagitan ng libreng technical training, mechanical stripping, pagbibigay ng mga kagamitan at maging mga pabahay, ani Valeza.

Naglaan din ang pamahalaan ng milyong pondo para sa pagpapatayo ng mga farm-to-market roads, partikular ang tinatawag na “Abaca Highway” na magbibigay-benepisyo sa mga magsasaka at mambabalat ng abaka sa mga bayan ng Caramoran, Gigmoto, San Miguel, San Andres, Baras, Panganiban, Viga, Pandan, Bagamanoc, Bato at Virac.

Plano rin ng pamahalaan na magkaroon ng tram line ang probinsya upang mapagaan ang hirap ng mga magsasaka ng abaka sa pagdadala ng mga ito mula sa bundok na bahagi ng isla patungo sa sentro ng bayan.

PNA