Pinagbabaril at napatay ng riding-in-tandem ang isang broadcaster habang pauwi mula sa trabaho sa Kidapawan City, North Cotabato, nitong Miyerkules ng gabi.

Nasawi si Eduardo “Ed” Dizon, radio anchor ng “Tira Brigada” sa Brigada-FM, dahil sa dami ng tama ng bala na tinamo niya sa pag-atake na nangyari bandang 10:30 kagabi, sa panulukan ng Quezon Boulevard at Diversion Road sa Kidapawan City.

Sinabi ni Col. Bernard Banac, tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP), na ipinag-utos na ang masusing imbestigasyon sa krimen.

“PNP Chief, Police General Oscar Albayalde has directed the Police Regional Office 12 under Brigadier General Eliseo Rasco for immediate investigation of the incident to identify the suspects and make them accountable before the law,” ani Banac.

Probinsya

PCG personnel, kasama sa mga nasawing biktima sa SCTEX road crash; naulila ang 2-anyos na anak

Nabatid na minamaneho ni Dizon ang kanyang puting Mitsubishi Mirage nang pagbabarilin siya ng dalawang hindi nakilalang lalaki.

Sinabi naman ni Kidapawan City Police chief, Lt. Col. Joyce Birrey, na ilang araw na ang nakalipas nang i-report ni Dizon sa pulisya ang pagtanggap nito ng death threats.

Sa blotter report ni Dizon, nagbigay siya ng mga clue sa pinaghihinalaan niyang pinanggalingan ng mga pagbabanta, pero tumanggi si Lt. Col. Birrey na magbigay ng detalye habang umuusad ang imbestigasyon.

Sa isang pahayag, sinabi naman ng National Union of Journalist of the Philippines (NUJP) na nagawa pang maitabi ni Dizon ang kanyang kotse sa gilid ng kalsada, pero kalaunan ay binawian din ito ng buhay.

“If his murder is determined to be connected to his work, Dizon would be the 13th journalist killed under the administration of President Rodrigo Duterte and the 186th since 1986,” saad pa sa pahayag ng NUJP.

Ang biktima, ayon sa NUJP, ay dating radio station manager, at naging bise alkalde sa bayan ng Makilala. Kumandidato siyang konsehal noong Mayo 2019, pero natalo siya.

Bago magtrabaho sa Brigada, siya ang naging anchor sa public affairs program para sa DXND Radyo Bida ng Notre Dame Broadcasting Corporation, at DJ sa DXDM FM.

Aaron Recuenco at Malu Cadelina Manar