ANONG salbabida ang maaaring ibigay ng pamahalaan sa MNLF sa tagilid na pangako tungkol sa pagkakaroon ng hiwalay na Federal State para sa mga Pilipinong nasa pulo at karagatan (Tausog, Samal, Badjao atbp.)?
May paraan pa ba upang sagipin at hatiin sa dalawa ang Bangsamoro Autonomous Region for Muslim Mindanao (BARMM) at isukob sa sistemang pederalismo? Di ba nga mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na ang nagsalita. Gagalangin niya ang sambayanan, kung ayaw nito sa pederalismo.
Mungkahi niya na amyendahan na lamang ang Saligang Batas upang mapagbigyan ang paksyon ng MNLF sa ilalim ni Nur Misuari.
Mahal na pangulo, baka naman may mas madaling paraan upang mapatupad ang patas na pagtrato sa MILF at MNLF. Bakit lagi na lang natin idinadaan sa pagpapalit ng ating konstitusyon at porma ng gobyerno?
Andyan naman ang pormula na ambunan si Nur Misuari ng pagkakataon na makapagrekomenda ng sarili niyang tauhan sa Bangsamoro Transition Committee (BTC).
Kung ang BTC, ang totoong kumakatawan at sumasalamin sa pinag-isang Bangsamoro Autonomous Region, aba’y dapat ang opisyales nito ay hindi lamang mula sa hanay ng MILF.
Huwag din naman sana tayo paloko, na kunwari, may MNLF sa loob ng BTC. Sa mga nakausap ko, hindi tunay na MNLF ang mga iyan. Lalo at sipsip sa kagustuhan ng Malaysia, tulad ng MILF. Narinig ko, ang mga pinapaboran ng MILF ang laging napagbibigyan para paghandaan ang halalan.
Kung nais ng Malakanyang ng hakbang tungo sa kapayapaan, kailangan pakinggan si Misuari (kinikilala ng Organization of Islamic Conference) at siyang magrekomenda sa BTC, at ituturo ng Palasyo.
Mahalaga rin sa BTC na may tinig ang mga Royal Houses, lalo ang Pamilya Kiram na magpahanggang ngayon, ay may sariling teritoryo (Sabah) na sinukob ng Malaysia, at nagbabayad pa ng upa sa mga Kiram.
Kailangan may mga lumad din (na hindi mga “kaliwa”) sa BTC at mga Ulama na hindi radikal (tagapag-taguyod ng mala-Isis na ka-isipan). Kapag hindi natin pinagbigyan si Misuari, malinaw sa sikat ng araw, ang BARMM ay “moro-morong” tangi para sa MILF at Malaysia.
-Erik Espina