NAGTATALUMPATI si Pangulong Duterte sa inagurasyon ng isang rice processing complex sa Alangalang, Leyte nitong nakaraang Biyernes nang inihayag niya ang muli niyang pagbisita sa Bureau of Customs at “there will be a lot of dismissals…try to stop the corruption in the higher class.” Aniya, “I would be firing more from the Bureau of Customs…maybe ilagay ko na sa Army.”
Ang pagtapos sa kurapsyon ng pamahalaan ang isa sa mga pangunahing pangako ng kampanya ni Pangulong Duterte noong halalan ng 2016. Gayunman, sa nakalipas na tatlong taon ng kanyang administrasyon, nagpahiwatig siya ng pagsisisi hinggil sa naging pagtakbo niya at pagkapanalo dahil sa dami ng kanyang mga kaalyado na kinailangan niyang pakawalan dahil na rin sa alegasyon ng pagkakasangkot ng mga ito sa kurapsyon.
Sa kalagitnaan ng kanyang talumpati sa Leyte, nabanggit din niyang malayo pa ang tatakbuhin ng kanyang kampanya laban sa kurapsyon sa loob ng pamahalaan, habang inanunsiyo rin niya na tinanggap na niya ang pagbibitiw ng pangulo at general manager ng isang ahensya ng pamahalaan.
Nitong nakaraang linggo rin ibinunyag ni Senador Panfilo Lacson na “business as usual” na ulit sa Bureau of Customs. “Despite my expose on the massive corruption inside the Bureau of Customs, much to my dismay, I was informed just recently that the tara system has never been, by any chance, suppressed.”
Matatandaang, itinalaga ng Pangulo ang isang retiradong kapitan ng Philippine Marines sa posisyon ng komisyoner ng Bureau of Customs. Agad din itong pinalitan matapos masamsam ang P6.4 bilyong halaga ng kargamentong droga sa dalawang warehouse sa Valenzuela makaraang makalusot sa Customs. Ang kapalit niya, ay isa ring dating operations director ng Philippine National Police, na hindi rin nagtagal sa posisyon, matapos matuklasan ang panibong malaking shipment ng droga na hinihinalang ipinuslit sa pamamagitan ng magnetic lifters. Ang humalili sa kanya, walang iba kundi ang ikatlong ‘ex-military man’, isang dating chief of staff ng Armed Forces of the Philippines, ngunit ngayon nahaharap na naman ang ahensiya sa panibagong problema ng droga, sangkot ang isang tapioca shipment.
Ang mga kalalakihang ito, sa kabila ng karanasang sa militar, ay maaaring naisahan sa kabila ng kanilang determinadong pagsisikap sa ahensiya. Maaaring gumamit ang Pangulo ng bagong taktika sa kanyang pagsisikap na malinis ang Bureau of Customs. Kung nais niyang muling sumubok ng panibagong tao na mamumuno sa pinakamahirap na ahensiya ng pamahalaan – maaari niyang subukan ang isang taga-BoC na matagal nang nasa ahensiya at, gamay sa operasyon, isang may kaalaman sa batas, at higit sa lahat, isang katanggap-tanggap sa tiwala ng Pangulo.