DAHIL sa kanilang naging performance sa first conference, ang Centro Escolar University (CEU) ang itinalagang paborito para sa darating na PBA D-League Foundation Cup.

Ang Scorpions ang tiyak na babantayan sa torneo na nakatakdang magsimula sa Hulyo 25 sa Paco Arena sa Manila, makaraan ang respetadong runner-up finish nila sa Cignal-Ateneo sa nakaraang season opening conference kahit pa mayroon lamang silang walong manlalaro sa kanilang line-up.

Ngunit, agad namang ibinaba ni CEU assistant coach Gabby Velasco ang kanilang

estado mula sa pagiging paborito.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Aniya, ibang Scorpions ang matutunghayan ngayong darating na second conference kumpara sa koponang nag-overachieved noong nakaraan.

“The seven or six players from last conference would still be there, but the rest manggagaling sa training team namin while the others are from our recent tryouts. So this is going to be a totally different team,” pahayag ni Velasco na kumatawan kay head coach Derrick Pumaren sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa Amelie Hotel-Manila nitong Martes.

“We wanted to improve and raise the basketball program of CEU, that’s why we joined the D-League. So I don’t think it would be fair to look us at again with the same caliber and same strength that we have last conference,” aniya.

Kasamang dumalo ni Velasco sa lingguhang forum sina Technological Institute of the Philippines (TIP) coach Potit De Vera, Marinerong Pilipino assistant coach Jonathan Banal, at mga D-League officials na sina Mauro Bengua at Rosc Teotico.

Isa lamang ang CEU sa anim na school-based teams na sasabak sa torneo na tatagal hanggang Oktubre.

Ang iba pang mga school-based teams ayon kay Teotico ay ang AMA Titans, TIP Engineers, BRT Sumisip Basilan-St. Clare, Nailtalk-St. Dominic Savio, at McDavid La Salle Araneta University.

Makakatunggali nila ang mga commercial squads na Marinerong Pilipino Skippers, iWalk Chargers, Italianos Homme Shoes, Hyperwash Laundromat Vipers, Sterishred Medical, Alberei Kings (Zamboanga), at Hazchem Inc.

Ayon naman kay Bengua na syang bagong D-League tournament director, mayroon pang 14th team na nakikipag negosasyon upang makahabol hanggang sa deadline sa Lunes.

-Marivic Awitan