ISANG magandang babae sa katauhan ni Mina Chang, US State Department deputy assistant secretary for the Bureau of Conflict and Stabilization Operations, ang nakatakdang maging kapalit ni US Ambassador Sung Kim sa Pilipinas. Siya ang magiging ikalawang female US ambassador. Ang una ay si Kristie Kenney na nagsilbing ambassador ng US mula noong 2006 hanggang 2009.
Batay sa ulat, si Chang ay may malawak na karanasan sa magugulong lugar tulad ng Afghanistan, Iraq, Somalia at Nigeria. Samakatuwid, bagay na bagay si Ambassador Chang sa Pilipinas na ngayon ay may problema sa droga at karahasan sa Mindanao at iba pang parte ng bansa.
Umaasa ang US at ang Pilipinas na magiging maganda at kanais-nais ang relasyon ng bansa ni Uncle Sam at bansa ni Juan dela Cruz ngayong isang babae ang matatalaga rito. Malaki ang oportunidad na magugustuhan ni Pres. Rodrigo Roa Duterte ang pagkakaroon ng isang babaeng ambassador sa Pilipinas. Si PRRD ay palahanga sa magagandang babae.
Mukhang naayos na ang labu-labo at awayan sa isyu ng Speakership sa Kamara. Ipinasiya ni PRRD na magkaroon ng hatian o term-sharing sina Taguig City Rep. Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco sa nalalabing tatlong taon ng Pangulo sa puwesto.
Si Cayetano, ayon sa napagpasiyahan, ay unang magsisilbi bilang Speaker sa loob ng 15 buwan samantalang si Velasco ay magsisibli naman sa loob ng 21 buwan. Sana ay maging kaaya-aya at produktibo ang ganitong hatian at makapagpasa ang House of Representatives (HOR) ng magaganda at mahuhusay na batas para sa kabutihan, kagalingan at kapakanan ng mahigit 100 milyong Pilipino.
Ayon sa Malacañang, ang ginawang endorsement ni PDu30 kina Cayetano at Velasco ay hindi maituturing na pakikialam sa gawain at kalayaan ng lehislatura o “legislative interference.” Eh ano ang itatawag natin sa ganitong endorsement ng ating Pangulo na tiyak na susundin ng mga kongresista? Baka may magsabi na naman: “Tell it to the Marines.” Tandaan, ang sino mang iendorso o piliin ng Pangulo na maging Speaker ay siguradong siya ang magiging Speaker.
Badya ng Pangulo: “Mukhang merong krisis. Nobody is willing... Hindi ako nakikialam sa gawain ng lehislasyon. Ang pinag-uusapan lang natin ay tungkol sa mga lider, wala itong kinalaman sa kalayaan ng...hanggang sa puntong ito, lahat ay hinggil sa politika.” Iginiit niya na ang pakikialam sa gawain ng Kamara ay ibang bagay.
“You are not interfering because they are choosing only the leader. Now, if they begin to work and do their tasks and you interfere, that is the time you can hear the complaints.” Pero, Mr. President nakasisiguro ka bang kokontra ang sino mang lider o Speaker sa mga panukalang batas na gusto mo, tulad ng death penalty, Cha-Cha, West Philippine Sea, at iba pang mga isyu? Tiyak ang gusto mo ang susundin ng Speaker at ng mga kongresista.
Ang Pilipinas ay nagpasalamat sa Vietnam sa pagsagip sa 22 mangingisdang Pinoy na inabandona ng Chinese vessel na bumangga at nagpalubog sa kanilang bangka sa Recto Bank noong nakaraang buwan. Nag-courtesy call si DFA Sec. Teodoro Locsin Jr. kay Vietnamese Prime Minister Nguyen Xuan Phuc nang siya’y magtungo sa Vietnam. Salamat Vietnam, maraming salamat!
-Bert de Guzman