MULA sa pagiging propesyunal na Electronics at Communications Engineer at ‘Triple A’ contractor ng fiber optic backbone para sa PLDT at Globe Telecom, ang iginagalang na sportsman na si Sonny Lagon ay isa nang ganap na mambabatas na masasandalan ngayon ng sambayanan, higit nang mga senior citizen.
At sa unang pagsalang sa plenary, kaagad nang naghain ng panukalang batas si Ako Bisaya Partylist Rep. Sonny Lagon na tinawag na House Bill 907, na naglalayon na magbigay ng P80,000 cash incentives sa lahat ng mga Pilipino sa pagdating ng kanilang ika-80 kaarawan.
Isang kilalang mananabong at gamefowl breeder na madaming ulit na nagwagi sa mga international at lokal na kumpetisyon, si Lagon ay naghain ng nasabing panukalang batas bago pa magbukas ang 18th Congress, bilang tugon sa kaparehong batas na nagbibigay naman ng tulong pinansyal sa mga centenarians sa ilalim ng Republic Act No. 10868.
Sa ilalim ng RA 10868, na kilala na Centenarian Act of 2016, ang mga Pilipino na aabot sa 100 years old bagama’t nakatira sa Pilipinas o sa abroad ay makakatanggap ng cash reward na P100,000.
Gayunman, naniniwala si Lagon na ang mga Pilipino na may 80 years old pa lamang ay marapat ding makatanggap ng parehong benepisyo.
“Our intention in filing HB 907 is to make the cash gift more accessible to more Filipinos and enable them to enjoy it during the twilight years of their lives where medicines and other necessities
are more needed”, pahayag ni Lagon sa kanyang panukalang batas.
Pinuri ni Lagon ang RA 10868 Act of na nagbibigay ng cash gift na P100,000 sa mga centenarians, subalit sinabi niyang “iilang Pilipino na lamang ang umaabot sa ganitong edad para matamasa ang mga kaukulang benepisyo.”
Isinaad pa ni Lagon na ang World Health Organization study nitong 2018 na ang average life expectancy ng mga Pilipino ay 69.3 years old lamang.
“It should also be noted that many of those who are lucky enough to qualify for RA 10868 no longer have the mental faculties to appreciate and enjoy the cash gift,” aniya.
“May kasabihan nga tayong mga Pilipino na aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo.”
Maituturing na self-made millionaire, si Lagon ay lumaki sa Mambusao (Capiz) sa Panay Island, na kung saan isa siyang matagumpay na magsasaka bago pa maging ganap na inhinyero.
Pero ang kanyang pagkahilig sa sabong at gamefowl breeding ang nagbigay ng lubos na kasikatan at naghatid din sa kanya para maging corporate endorser ng gamefowl industry leader na Thunderbird.