Lakaran sa pagpili ng mga botante sa POC election, ikinabahala ni Bambol

Ano nga ba ang mayroon sa Philippine Olympic Committee (POC) at laging may isyu sa liderato?

Sa nakalipas na apat na linggo, naging masalimuot ang balitaktakan sa loob ng tanggapan ng Olympic body na nauwi sa pagbibitiw ng presidente nito na si Ricky Vargas.

Nasundan ito nang pagkakawatak ng Executive Board na naging resulta sa pagbibitiw ng ilang miyembro, kabilang sina chairman Abraham ‘Bambol’ Tolentino, 1st vice president Jose ‘Joey’ Romasanta, Board members Clint Aranas ng archery, Cynthia Carrion ng gymnastics at Jonne Go ng dragon boat.

Dalawang Pinoy mountaineers, sumakses sa tuktok ng Mt. Everest

Ang nasabing krisis sa liderato ay nakarating na sa kaalaman ng International Olympic Committee (IOC) at ng Olympic Council of Asia (OCA) kung saan nagpasiya ang dalawang sports body na mamagitan na sa gusot sa liderato ng POC.

Kasunod nito ang pagbibigay ng direktiba na magsagawa ng General Assembly ngayong Hulyo 18 at ng Eleksyon sa Hulyo 28, kung saan nagpahayag ng kanilang interes sa pagtakbo bilang pangulo sina Tagaytay Congressman at Philcycling president Abraham “Bambol” Tolentino at si athletics president Philip Ella Juico.

“Wala akong problema kahit sino ang tumakbo sa pagkapangulo ng POC para dapat maging maaayos ang conduct of election at huwag nang ihirit ang mga teknikalidad para maharapng ang iba na bumoto.

“Huwag naman sana. At sana ay hindi totoo ang mga balita na may sports association na haharangin sa pagboto” pahayag ni Tolentino.

Sa ngalan ng pagiging patas, at malinis na eleksyon, inatasan ng POC si dating Commission on Election Commissioner Rene Sarmiento upang pamahalaan ang election committee sa Hulyo 28.

Makakasama ni Sarmiento sa nasabing kumite si dating NCAA commissioner Fr. Vic Calvo OP, buhat sa Letran na sasamahan ng kintawan buhat naman sa Philippine Dispute Resolution Center (PDRC) na si Atty, Victor Lazatin.

Gayunman, kailangan pa itong ratipikahan sa gaganaping General Assembly sa 18 na gaganapin sa Manila Golf Club.

Dahil dito, umaasa ang lahat ng miyembro ng POC na maayos ang gusot sa liderato ng nasabing organisasyon.

Siniguro naman ng POC na hindi maapektuhan ang paghahanda g bansa para sa Southeast Asian Games ngayong Nobyembre.

-Annie Abad