TINATAYANG 10,000 athleta, sports at technical officials ang inaasahang dadayo sa nakakbibighaning lalawigan ng Puerto Princesa sa Agosto para sa Batang Pinoy National Finals.
Ngayon pa lamang ay tiniyak na ng pamunuan ng lalawigan ng Palawan ang nasabing hosting kung saan nakahanda na mula sa transportasyon gayundin ang seguridad ng mga delegasyon ng mga bibisita.
Naglaan ng kabuuang 140 milyong piso ang lalawigan ng Puerto Princesa para sa preparasyon ng hosting ng Batang Pinoy, kung saan ang nasabing pondo ay dapat na nakalaan sana para sa 2020 Palarong Pambansa, bagama’t nabigo ang nasabing lalawigan na makuha ang karapatan para sa hosting.
Bukod sa naturang budget, ay nagkaloob din ng kabuuang 15 milyong pisong halaga ng sports eqquipments ang Philippine Sports Commission sa Puerto Princesa.
Dahil dito ay inaasahan na agad matatapos ang paggawa sa mga venues na paglalaruan ng iba’t ibang sports, gayundin ang ilang billeting areas na gagamitin ng mga delegasyon na magmumula sa iba’t ibang dako ng bansa.
Unang ginanap ang Batang Pinoy 2019 Mindanao leg sa Tagum City sa Davao, kasunod ng Visayas leg sa Iloilo City at sa ang Luzon leg ay sa Ilagan Isabela.
Tangan ng Baguio City ang titulo ng overall championship noong nakraang taon, matapos na manguna sa labanan ng gintong medalya.
-Annie Abad