Kumpirmadong Pilipino ang isa sa dalawang suspek sa pagpapasabog sa kampo ng militar sa Indanan, Sulu noong nakaraang buwan—at sinabi ng militar na ito ang unang Pilipinong suicide bomber sa bansa.
Ito ay batay sa resulta ng DNA test sa bangkay ng suspek, na kinilalang si Norman Lasuca.
“The [Armed Forces of the Philippines] and [Philippine National Police] would like to allay fears of our countrymen notwithstanding this development where we can confirm, and is now confirming, that the incidence of the first suicide bombing in the Philippines was perpetrated by a Filipino in the person of Norman Lasuca,” sinabi ni Brig. General Edgard Arevalo, tagapagsalita ng AFP, sa press briefing sa Camp Aguinaldo sa Quezon City, ngayong Miyerkules.
Sinabi ni Col. Bernard Banac, PNP spokesperson, na nakakuha ang Police Regional Office (PRO)-11-Crime Laboratory Office ng 99.99-percent probability match mula sa DNA samples na kinuha kina Vilman at Alhussin Lasuca, ang ina at kapatid ng suspek, at sa pugot na ulo ng suspek na narekober sa pinangyarihan ng pagsabog.
Matatandaang bukod kay Lasuca at sa kanyang kasamahan, tatlong sundalo at tatlong sibilyan ang nasawi sa pagsabog nitong Hunyo 28, habang 12 ang nasugatan.
Sinabi rin ng militar na si Norman ay miyembro ng Abu Sayyaf Group, sa ilalim ni Hatib Sawadjaan.
Gayunman, kinontra ito ng PNP.
“Wala pang solid evidence na siya ay bahagi nga ng Abu Sayyaf Group. Ang nakikita lang natin, ang Abu Sayyaf ang may pinakamalaking motibo para gawin itong pambobomba dahil dyan sila nag-o-operate,” sinabi ni Banac sa ambush interview.
Martin A. Sadongdong