DALAWANG malakas na lindol ang yumanig sa bahagi ng katimugang California nitong nakaraang linggo, na bumuhay sa takot ng “Big One” na matagal nang pinangangambahan ng mga taga-California. Sa kabutihang-palad, ang magnitude 6.3 nitong Huwebes na sinundan ng magnitude 7.1 nitong Biyernes—ay tumama sa hindi mataong lugar 18 kilometro mula sa siyudad ng Ridgecrest, ngunit sapat ito upang magdulot ng pinsala sa ilang gusali, bumitak ng mga kalsada, at magpaantala sa suplay ng tubig at gas sa ilang bahagi mula sa siyudad ng Sacramento hanggang Mexico sa timog.
Ang dalawang tumamang lindol ay hindi bahagi ng San Andreas fault, isang malaking bitak sa ilalim ng lupa na nasa bahagi ng Western California, sa bahagi ng Los Angeles, hanggang sa mataong lugar ng San Bernardino County, California. Noong 1994, isang magnitude 6.7 na lindol—halos kasinglakas ng 7.1 na ikalawang tumama sa Ridgecrest—ang kumitil sa buhay ng 57 katao at sumugat ng higit 8,700 dahil halos tumama ito sa Los Angeles. Sa ngayon, nabubuhay sa takot ang mga taga-Los Angeles dulot ng “Big One”—isang magnitude 7.8 na lindol na matagal nang pinaalala ng mga geologist.
Tayo rito sa Pilipinas ay matagal na ring nabubuhay sa pangamba ng magnitude 7.2 “Big One”, na sinasabing posibleng tumama anumang oras. Sumasakop ito sa bahagi ng Bulacan, Metro Manila, Cavite, at Laguna, ang “West Valley Fault” na nagdulot ng malakas na lindol noong 1658, at pinangangambahang muling yayanig matapos ang 400 taon at magdudulot ng isang 7.2 na lindol sa Metro Manila.
Kapag nangyari ito, ayon sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency, maaaring umabot sa 34,000 ang mamamatay habang nasa 300,000 ang sugatan sa pagguho ng maraming gusali. Ito ang dahilan kung bakit tayo taunang nagsasagawa ng “Shake drills,” kung saan itinuturo sa bawat isa ang “ Duck, Cover and Hold” sa ilalim ng lamesa o isang matibay na bagay na susuporta at magbibigay-proteksiyon sa ulo ng sinuman mula sa mga mahuhulog na bagay.
Karamihan sa mga lindol ay tumama sa tinatawag na “Pacific Ring of Fire,” na puno ng maraming bulkan at mga lupa sa ilalim na nagkikiskisan. Ang ‘ring’ na ito ay nasa bahagi ng Pacific—mula sa Alaska sa hilagangsilangan, sa kanlurang baybayin ng North, Central at South America, patungo sa mga isla sa Timog Pasipiko, sa mga isla sa Timogsilangang Asya, sa Japan, Kamchatka peninsula, pabalik sa Alaska.
Halos lahat ng malalakas na lindol ay tumatama sa mga lugar na ito na nasa loob ng Ring of Fire. Pinakamalakas na lindol ang magnitude-9.5 na yumanig sa Chile noong 1960, na sinundan ng magnitude-9.2 sa Alaska noong 1964, isang magnitude-9.1 sa Sumatra noong 2004, at isa pang magnitude-9.1 sa Japan noong 2011. Daan-daan namang mas mahihinang lindol ang naganap sa nakalipas na siglo. Nito lamang Lunes, isang 6.9 na lindol ang tumama sa isla ng Sulawesi sa Indonesia na nasa timog natin.
Makaraan ang dalawang magkasunod na lindol sa Ridgecrest nitong nakaraang linggo, nakaalerto na ang mga tao sa California. Tayo rin ay dapat na magpatuloy sa pagiging alerto para sa ating pinangangambahang “Big One” sa pamamagitan ng pakikibahagi sa taunang pagsasanay at pagsunod sa mga suhestiyon para sa pag-iingat, tulad ng paghahanda ng pagkain at mga medical kit.