HINDI ko na mabilang kung ilang beses na itong naitanong sa akin—paano nagiging matagumpay ang isang negosyante? Isa itong simpleng tanong na mahirap bigyan ng kasagutan. Sa totoo lang, ang dapat na unang itanong ay kung ano ang isang negosyante?
Sa pagsusuri ko sa iba’t ibang kahulugang nakalap sa Internet, ipinaliliwanag ang pagiging masalimuot ng pagiging negosyante. Halimbawa, inilarawan ng investopedia.com ang entrepreneur bilang isang “individual who creates a new business, bearing most of the risks and enjoying most of the rewards”.
Para sa Merriam-Webster, ang negosyante ay “one who organizes, manages and assumes the risks of a business or enterprise”. Ang pakahulugan naman ng Dictionary.com sa negosyante ay “a person who organizes and manages any enterprise, especially a business, usually with considerable initiative and risk.”
Bibigyang-diin ko ang pagkakapareho ng mga pakahulugang ito: ang risk o peligro. At ang nagdudumilat na pagkakatulad sa kani-kanilang pakahulugan ay mismong mahalagang elemento ng pagnenegosyo: ang kahandaang harapin at tugunan ang anumang panganib.
Ang pagpapasyang maging negosyante ay tunay namang may mas malaking peligro kaysa magtrabaho. Kung ikaw ay empleyado ng isang kumpanya, hindi mo pera ang ipinamumuhunan mo, hindi mo pera ang maglalaho sakaling hindi maging matagumpay ang kumpanya. Siyempre pa, bilang empleyado, may sarili ka ring pamumuhunang itinataya (oras, talento, serbisyo) na tinutumbasan ng suweldo. Subalit walang katulad ang panganib na sinusuong ng mga negosyante na mismong namumuhunan sa kanilang negosyo.
Samantala, ang isa pang mahalagang pagkakaiba ng negosyante at ng empleyado ay ang katotohanan na ang huli ay nagpapakadalubhasa lang sa isa o hanggang dalawang aspeto ng negosyo (sales o marketing), habang obligado ang negosyante na maunawaan ang lahat ng pasikut-sikot sa pangangasiwa sa kanyang negosyo.
Mistulang nakakapanghina ng loob ang mga nasabing pakahulugan. Bakit mo gugustuhing maging negosyante kung aakuin mo naman ang lahat ng peligro?
Dito na maipupunto ang natatanging karakter ng mga negosyante. Ang negosyante ay siya na handang humarap sa lahat ng peligro, sa road less traveled, ‘ika nga. Bagamat ang pagtatrabaho sa isang kumpanya ang rutang tinatahak ng karamihan (nakakalungkot man, ganito ang kalakaran sa Pilipinas), ayaw ng mga negosyante na tahakin ang daang walang pakikipagsapalaran.
Nauunawaan ng mga negosyante ang pangangailangan ng lipunan at nagpupursige upang maipagkaloob ang mga pangangailangang ito. Ang pagnenegosyo ay hindi kailanman dapat maging usapin ng pera. Ilan ang nagtatanong sa akin, “Sir, paano ba yumaman?”
Ito ang tapatan at prangkang sagot ko: Hindi ko kailanman hinangad na maging mayaman sa aking pagnenegosyo. Siyempre, gusto kong kumita para mabuhay nang maayos, at mabigyan ko ng maginhawang buhay ang aking pamilya, pero hindi pera ang pangunahing dahilan kung bakit ako pumasok sa negosyo.
Ang problema, kapag ang hangad mo ay ang kumita nang limpak-limpak, mas malaki ang posibilidad na hindi ka yumaman. Hindi ka aabot sa punto na nag-uumapaw ang iyong kayamanan, dahil ‘pag nagkataon, matatakot ka nang maglaho ang pera mo, maduduwag ka nang sumugal sa peligro, mangangamba ka nang mabigo. Upang maging tunay na negosyante, dapat na taglay mo ang motivation na higit pa sa pagkita ng maraming pera.
Ginagawang misyon ng ilang tao na maabot ang rurok ng tagumpay at gawin ang lahat upang marating ito. Hindi ko naman sinasabing huwag mangarap nang mataas ang isang tao. Ang punto ko, hindi sapat ang mangarap nang labis-labis na pera lang ang dahilan.
Naranasan ko ang parehong kawalan at pagtatamasa sa buhay. Lumaki ako sa labis na pagdarahop. Naging matagumpay naman ako bilang negosyante, at masasabi kong hindi garantiya na ang pinakamamahaling bagay ay siya ring pinakamagaganda. Ang pinakamasasarap na pagkain ay hindi rin naman siyang pinakamahal bilhin, at vice-versa.
Subalit para sa isang negosyante, ano nga ba ang higit pang hahangarin kundi ang yumaman? Ang makapag-alok—produkto man o serbisyo—sa mamamayan sa pinakamahusay mong abilidad. Higit sa ano pa man, ito ay ang maunawaan kung ano ang pangangailangan ng lipunan, at papaglimiin ang mga posibilidad sa hinaharap.
-Manny Villar