PANAUHIN sa programang Bandila si Manila Mayor Isko Moreno last July 8, Monday. Hosted by Julius Babao and Karen Davila agad naitanong sa bagong halal na mayor kung ano na ang kaganapan sa inumpisahan nitong clean-up drive sa Maynila, partikular na sa bandang Divisoria na malayo na ang naging mukha at kalinisan ngayon kumpara noong nakaraang administrasyon.
Sinabi ni Isko na seryoso siya sa paglilinis ng mga bangketa sa Divisoria para sa kapakanan ng lahat.
“‘Yung mga vendors na pinapaalis ay mayroon naman daw puwestong pagtitindahan. Sa Ylaya, Tabora, Elcano, puwede sila ro’n. Walang bayad, wala silang dapat bayaran,” ani Isko.
Nitong nakaraang Sabado, July 6, nag-share si Jerika Ejercito ng isang Facebook post kung saan kinuwestiyon kung papaano na mamumuhay at kukuha ng kanilang source of income ang vendors sa Divisoria ngayong ipinatupad ni Mayor Isko ang clean-up drive sa naturang sikat na pamilihan.
Si Jerika ay anak ni dating Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada at dating aktres na si Laarni Enriquez. Tumakbo itong konsehal sa isang distrito ng Maynila nitong nakaraang halalan subalit isa siya sa mga nangungulelat sa botohan.
Gayunpaman, hindi pinansin ni Manila Mayor Isko Moreno ang ‘tila pasaring sa kanya ni Jerika, anak ng natalo niyang katunggali sa pagka-mayor ng Maynila. Hindi rin ikinatuwa ng netizens ang pagkontra ni Jerika sa malinis na adhikain ni Isko sa lungsod ng Maynila.
“Poor loser kasi ang mga Estrada,” sey ng isang netizen kaya daw kontra sa mga adhikain ni Mayor Isko. “Good luck! ‘Yun lang!” pasimpleng sagot ni Mayor Isko sa patutsada ni Jerika.
Kung babalik daw ang mga basura sa kalsada, aniya, “Puwedeng sabihin na nasuhulan ako,” pagmamatigas ng dating That’s Entertainment member ng yumaong Kuya Germs Moreno.
Umani ng papuri sa loob at labas ng bansa ang unang linggo ng panunungkulan ni Mayor Isko at sana raw ay magtuluy-tuloy ang kanyang layunin na maibalik sa dating kalinisan ang Maynila.
-Ador V. Saluta