HUWAG ninyo naman akong pandilatan sa pamagat ng artikulo kong ito!
Totoo na LODI ko ang mga “Intsik Beho” dito sa ating bansa. Sila kasi yung mga tinatawag natin ngayon na mga ninuno ng mahal nating mga kababayan—kaibigan, kapitbahay, kalaro at kamag-anak na Tsinoy—na dito na tumanda, nagkaasawa, at nagkapamilya na mga migranteng Intsik, na manapa’y itinulak ng noo’y namamayaning kaguluhan at kahirapan sa mga lalawigan sa mainland China.
Sila ‘yung kumakatawan sa mga Tsino na kung tawagin ng mga ka-henerasyon ko ay Amah, Mang Ape, Mang Ching, Mister Go, Mang Tan, Manong Ping, at iba pang maiikling pangalan— na para sa akin ay mga ehemplo ng kasipagan, kasinupan, kababaan ng loob, mabuting kapitbahay at kaibigan.
Walang duda na gaya nating mga tunay na Pilipino, mahal nila ang ating bansa at handang mamatay laban sa mga magtatangkang kubkubin ang ating bayan!
Kaiba ang mga ito, sa kung tawagin natin ngayon na TSEKWA na pawang mga mapagsamantala, mapang-api ng mga mahihirap ngunit himud-puwet naman sa pinakikinabangan nilang mga opisyal ng pamahalaan, at higit sa lahat – nakapagdududa ang sinasabi nila na katapatan at pagmamahal sa ating Inang Bayan.
Ang mga LODI kong “Intsik Beho”—ay ang mga dating may-ari ng maliliit na sari-sari store sa bawat kanto; mga namimili ng bote, garapa at diyaryo; mga limpiya-bota sa mga gilid ng kalsada; mga naglalako ng kutsinta at puto; sumisigaw ng taho tuwing umaga sa bawat bahay na maraanan; at mga nakabisikleta na sumisigaw ng hasa ng kutsilyo, gunting at labaha.
Marami akong ‘di malilimutan na karanasan sa kabaitan ng mga LODI kong “Intsik Beho”, gaya ni Manong Ping, ang tindero ng taho sa aming kalye sa Tundo, Maynila. Nakatanghod ako sa aking mga kalaro na kumakain ng taho – naiinggit dahil wala akong singko na pambili – nang magsalin sa tasang porselana, yun ang gamit noon hindi plastic na gaya ngayon, ng taho si Manong Ping at iabot sa akin sabay sabi ng: “Sige ikaw kain na taho, ako bigay ‘yan s’yo...pag me pera na tatay, bili ka aken ulit!”
Madalas ganito ang eksena kapag pinabibili ako ng suka at bawang para sa adobo: “Bili kay Ape ng singkong suka palagyan mo ng konting toyo, saka singkong bawang pasamahan mo ng ilang piraso ng sibuyas at pamintang buo para kamo sa adobo!” Oh ‘di ba – ano ang panama ng mga “buy one take one” na promo ngayon ng mga ganid na negosyanteng TSEKWA na pulos panlalamang ang alam?
Kahit noo’y pilipit ang pagbigkas nila sa Wikang Filipino, damang-dama mo ang taos na pagmamahal at pakikipagkapwa-tao nila, kaya naman sa paglipas ng panahon, ‘di biro ang narating nila dito sa ating bansa.
Karamihan sa kanila ay ganito na ngayon: ang dating “limpiya bota” sa Quiapo may-ari ng pinakamalalaking mall sa buong bansa, ang SM Malls; ang dating naglalako ng mami at siopao sa tabi ng simbahan na may-ari ng Ma Mon Luk, ang may pinakamasarap na mami at siopao sa buong kapuluan; ang dating mga nangangalakal, may-ari na ng mga naglalakihang junk shop at mga recycling plant; ang mga nagtitinda ng taho, sila na ang may pabrika ng taho, tokwa at soy milk; at iba pang mga nagtagumpay sa negosyo na minana naman ng mga anak nila, mula sa naging kabiyak na Filipina.
Dahil dito, ‘di ko matatawaran ang pagmamahal at katapatan nila sa Pilipinas, kumpara sa mga TSEKWA ngayon na nakatira sa mga nagtatayugang condominium, exclusive villages, at naglalakihang planta sa iba’t ibang panig ng Pilipinas na pag-aari ng mga mayayamang negosyanteng TSEKWA na bigla na lamang lumobo ang negosyo rito na walang kahirap-hirap.
Malaki ang duda ko sa pananatili ng mga ito sa atin, gayung napakaunlad at napakayaman na ng kanilang sariling bansa ay nagpipilit pa sila na dito tumira at magtrabaho.
Sana ay hindi totoo ang nasagap kong “intelligence report” na halos 50,000 na mga manggagawang TSEKWA na narito sa bansa ay mga aktibong miyembro ng kanilang sandatahang-hukbo na naka-deploy rito para sa kung anumang plano ng kanilang mga pinuno.
Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.