NASA 60 pamilyang magsasaka sa Hinigaran, Negros Occidental na umaasa sa pagtanim ng palay at tubo ang nakikinabang na ngayon mula sa P5.99-milyong solar-powered irrigation system (SPIS) na pinondohan ng Department of Agriculture (DA).

Sa isang Facebook post nitong Linggo ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol, sinabi nito na ibinahagi sa kanya ni Provincial Agriculturist Japhet Masculino na ang itinayong irigasyon sa Barangay Bato ang pinakauna para sa probinsiya.

“Rice and sugarcane farmers in Hinigaran, Negros Occidental who have relied on rains all their lives…are now enjoying the blessings of the magic of modern agriculture technology through the SPIS,” aniya.

Ayon kay Piñol, maaaring suplayan ng SPIS ang nasa 60 ektaryang palayan at 40 ektaryang tubuhan.

Ang itinayong pasilidad sa katimugan ng Negros ay isa sa halos 200 units na itinayo sa buong bansa bilang bahagi ng modernization program ng DA.

Pagbabahagi naman ni Masculino na “previously, farmers either relied on rain or used diesel engine driven pumps,” habang idinagdag nito na sinubukan na rin nila ang paggamit ng electric-driven pumps ngunit mahal ang gastos para sa mga magsasaka.

“With this solar power, the farmers will save a lot of money and it will increase their productivity,”dagdag pa niya.

Sa Western Visayas, nakapili na ang DA-Regional Field Unit 6 ng 34 na lugar na pagtatayuan ng SPIS. Habang kabilang sa unang siyam na naunang itinayo noong 2018 at pinondohan ng ahensiya, ang isa sa bayan ng Hinigaran.

Ang walong iba pa ay matatagpuan naman sa mga bayan ng Patnongon, Antique; Guimbal, Iloilo; at Western Visayas Integrated Agricultural Research Center sa Jaro, Iloilo City para sa mais; Sibalom, Antique; Pototan at Dingle, Iloilo; Jamindan, Capiz; at Madalag, Aklan para sa palay.

Ani Piñol, inaasikaso na rin ng DA ang pagkuha ng P44 bilyong loan sa pamahalaan ng Israel upang maitayo ang 6,200 units ng computerized SPIS na maaaring magkaloob ng tubig sa higit 500,000 ektaryang lupain.

Mula sa nasabing bilang, may 388 units ang nakalaan para sa Western Visayas, o 65 na pasilidad kada probinsiya.

PNA