“MALIWANAG ang pangyayari na iniwan sila sa lugar ng insidente at halos mamatay sila roon at hindi man lang sila nakakuha ng anumang tulong sa mga bumunggo sa kanila...
Kaya kailangang makakuha tayo ng katarungan para sa ating mga mangingisda at gamitin itong report. Kapag nakita nilang mahina ang tugon ng gobyerno, kapag hindi tayo nagsampa ng mga kaso o papanagutin ang bumunggo sa mga mangingisda, mababalewala na naman ang insidente at ito ay mauulit,” wika ni Sen. Sherwin Gatchalian sa panayam sa kanya sa radyo. Ang report na binanggit ng Senador ay ang joint investigation report ng Philippine Coast Guard (PCG) at Maritime Industry Authority (Marina) na kanilang isinumite kay Pangulong Duterte. Ayon dito, ang barko ng Tsinoy na bumunggo sa nakaangklang bangkang pangisda ng mga Pinoy ay hindi lang gumawa ng hakbang para maiwasan ito kundi sinadyang nilisan ang 22 Pilipinong nagpupunyaging mabuhay sa karagatan. Nagmaneobra ang Chinese vessel 50 kilometro papalayo sa binunggong bangka na nagpapatunay na alam ng Chinese crew ang naganap dito. Pero, sa halip na tulungan at sagipin ang mga mangingisdang Pinoy, pinatay ang kanilang mga ilaw at lumisan. Ang insidente, ayon din sa report, ay nangyari 259 kilometro northwest ng Piedras Point sa Palawan sa karagatan ng Recto Bank na nasa loob ng exclusive economic zone ng bansa.
Bago lumabas ang joint investigation report, minaliit ni Pangulong Digong ang insidente. Aniya, little maritime accident lang ito at resulta ito ng miscommunication. Kaya, kumambiyo ang mga opisyal ng gobyerno na nauna nang naghayag ng kanilang posisyon hinggil sa insidente tulad nina Defense Secretary Delfin Lorenzana at Presidential Spokesperson Salvador Panelo na kumondena na “hit and run” at “barbaric” ang ginawa ng mga Tsinoy. Pero, kung maliit na bagay lamang ang nangyari sa ating mangingisda, sa PCG at Marina, ito ay “very serious maritime casualty.” Kaya nga, gusto ni Sen. Gatchalian na ihabla ang mga responsableng Chinese crew upang huwag maulit ang nangyari at mabigyan ng katarungan ang mangingisdang Pilipino na nanganib ang kanilang buhay. May malawak pang kahulugan ito kung ilalagay sa wastong konteksto.
Isa ito sa paraan ng paggigiit ng bansa na kilalanin ng kahit sino, malakas man o malaking bansa, ang napanalunan nitong Arbitral ruling sa Hague. Na ang pinangyarihan ng insidente ay nasa loob ng kanyang exclusive economic zone na nasa ilalim ng kanyang sovereign rights. Pagtakwil ito sa joint investigation na iminungkahi ng China na inayunan ng Pangulo pagkatapos sirain ng kanyang mga kaalyado ang kredebilidad ng mga mangingisdang nagpapatibay sa tunay na nangyari.
-Ric Valmonte