WALA nang pasikot-sikot pa.
Naging mabilis at diretso sa punto ang kinalabasan ng isinagawang Special Board Meeting ng Philippine Olympic Committee (POC) kahapon sa Philsports.
Ngunit, tulad ng inaasahan, binalewala ng ilan ‘nagbitiw’ na miyembro na sina Joey Romasanta (first vice president) at Jonne Go ng Dragonboat (member) ang panawagan ni POC Chairman Abraham ‘Bambol’ Tolentino na mag-inhibit sa pagpulong bilang respeto at Palabra de Honor.
Batay sa sulat ng International Olympic Committee (IOC) hindi pinahihintulutan na dumalo sa naturang pulong ang mga opisyal na nagresign sa kanilang posisyon para maiwasan na mahaluan ng pagdududa.
Tulad ni Tolentino, nagpahayag ng pagbibitiw sa kani-kanilang puwesto sa ginanap na POC General Assembly nitong Hunyo 28 sina Romasanta, Go, Cynthia Carrion ng gymnastics, at Clint Arenas ng archery. Nauna ng nagbitiw si Ricky Vargas bilang presidente ng Olympic body.
Pinangatawan nina Tolentino, Arenas at Carrion angpagbibitiw sa pamamagitan ng written resignation.
“For delicadez at Palabra de Honor hindi na ako dadalo sa Board meeting. Sana ito rina ng gawin ng mga kapwa ko miyembro na nagbitiw sa harap ng general assembly meeting,” pahayag ni Tolentino sa media interview.
Subalit, taingang-kawali ang kapwa miyembro.
Dumalo sa nasabing pagpupulong ang pitong miyembro kasama sina Romasanta, Robert Manaquil ng Billiards, Prospero Pichay ng Chess, Jonne Go ng Dragon Boat, Mikee Cojuangco at si Julian Camacho na nakilahok sa pamamgitan ng video conference buhat sa China.
Napagkasunduan ng mga naturang dumalo na paghandaan ang nalalapit na Extra Ordinary Meeting sa darating na Hulyo 18 na gaganapin sa Manila Golf Club, kung saan, dalawang kinatawan buhat sa International Olympic Committee (IOC) at Olympic council of Asia (OCA) ang darating upang magmasid.
Bukod dito, napagkasunduan din ang pagbuo ng election committee o ang magiging comelec para sa eleksyon na nakatakda naman sa Hulyo 28 sa parehong venue.
Ang ratipikasyon ng mga magiging miyembro ng election committee ay gagawin sa mismong General Assembly bilang paghahanda para sa eleksyon.
Kumpirmado rin na tatagal ng 10 araw ang dalawang kinatawan buhat sa IOC at OCA upang magmasid sa Hulyo 18 at sa mismong eleksyon sa Hulyo 28.
Kabuuang 45 botante ang inaasahang boboto sa Hulyo 28 para sa Chairman, President at dalawang Board members, kung saan 42 dito ay buhat sa regular members ng national sports associations (NSA), dalawa sa athletes commission na sina Hidilyn Diaz at Henry Dagmil at si Cojuangco (Mikee) bilang IOC Representative to the Philippines.
-Annie Abad