NAIS patunayan ng Lyceum of the Philippines University na palaban pa rin ang kanilang koponan at kaya pa rin nilang manalo kahit wala na sina dating NCAA MVP CJ Perez at dating kapitan at lider na si MJ Ayaay.
Ito ang ipinamalas ng Pirates noong nakaraang Linggo sa kanilang opening day game kontra kapwa contender na Letran, 84-80.
Mas naging espesyal pa ang kanilang panalo dahil wala at hindi nakalaro ang kanilang foreign slotman na si Mike Harry Nzeusseu dahil injured ang kanang kamay nito.
“Our team is about honoring CJ and Ay for bringing us, but also building on it. We’re grateful for what they did but what’s important is what’s in front of us,” pahayag ni 4-year Lyceum head coach Topex Robinson.
Pinangatawanan ng Pirates ang kanilang pangunahing sandata na pagiging maliksi at mabilis na nagpupuno ng kakulangan nila sa height.
“Sabi ko nga sa kanila coming into the game we have two choices, it’s either we lose by just being the smallest team or either we win by being the smallest team. The choice is ours,” ani Robinson.
Pinamunuan ng kambal na sina Jaycee at Jayvee Marcelino ang kanilang unang panalo kontra Letran partikular sa final canto kung saan sila humabol mula sa 5 puntos na pagkakaiwan sa huling tatlong minuto ng laban.
Sa kabuuan, itinala ng magkapatid ang 16 sa huling 20 puntos ng Pirates sa laban na dulot na rin anila ng presensya nina Perez at Ayaay.
“Inspired kami kasi nandun sila e,” ani Jaycee na tumapos na topscorer ng laro sa ipinoste nyang 24-puntos, bukod pa sa 6-rebounds, 5-assists, at 3-steals.
“Siyempre, masaya kaming suportado pa rin nila kami. Kahit wala na sila sa team, yung full support nila, nandun pa rin talaga,” wika naman ni Jayvee na nagtala ng 18 puntos, 6 rebounds, at 2 assists.
Inamin din ng kambal na nagsilbing malaking hamon ang tinuran ng kanilang mentor bago ang laban.
“Ang big challenge talaga for me, sinabi sa amin ni coach na hindi team ni CJ at Ay yung LPU. Parang na-challenge kami sa sinasabi na porket wala na si CJ at Ay, parang ‘di na namin kaya manalo,” dagdag ni Jayvee.
“Na-prove naman namin dahil as a team kaming naglalaro ngayon.”
-Marivic Awitan