Tanggap ni Senate President Vicente Sotto III ang pag-endorso ni Pangulong Duterte kay Taguig Rep. Alan Peter Cayetano bilang susunod na House Speaker.

(MB PHOTO/FEDERICO CRUZ)

(MB PHOTO/FEDERICO CRUZ)

Ayon kay Sotto, inaasahan na niya ang magandang ugnayan sa pagitan ng dalawang kapulungan ng Kongreso sa panunungkulan ni Cayetano, na dating senador.

"Absolutely. Second time in history that a senator becomes Speaker of the House. He (Cayetano) knows us, we know him and I do not mean that literally only," pahayag ng Senate leader sa isang text message.

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

Sa talumpati ni Duterte sa Malacañang nitong Lunes, inihayag niya na si Cayetano at si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco ang kanyang napili na mamuno sa 18th Congress.

Aniya, nagkasundo ang dalawa na maghati sa termino kung saan si Cayetano ang uupo bilang Speaker sa unang 15 buwan.

Si Leyte Rep. Martin Romualdez, isa ring Speaker-aspirant, ang napili niyang maging House Majority Leader.

Samantala, wala rin umanong problema kay Senator Francis Tolentino, party mate ni Duterte at Velasco sa Partido Demokratiko ng Pilipinas-Lakas ng Bayan (PDP-Laban), na maging House speaker si Cayetano.

"Nagsalita na ang ating Pangulo pero napakalakas na ally at kakampi si soon-to-be Speaker Alan Cayetano kaya maganda na rin. Dahil konti na lang ang oras para mabuo 'yong iba't ibang committees sa lower house kaya dapat suportahan ang desisyon ng ating mahal na Pangulo,” pahayag ng bagong senador.

Una nang nagpahayag ng pagsang-ayon si Sen. Aquilino "Koko" Pimentel, PDP-Laban president, sa pagpili kay Cayetano bilang Speaker.

"We made our own term-sharing proposal in order to resolve the issue of House Speaker. But if the President himself has resolved the issue, then great!" pahayag ni Pimentel matapos ang talumpati ni Duterte.

-VANNE ELAINE P. TERRAZOLA