NAGKAKAGULO at naglalabu-labo ang mga kongresista sa Kamara dahil sa isyu ng Speakership. Ano raw ba ang meron sa puwesto ng Speaker kung bakit labis na pinaglulunggatian ito nina Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, Leyte Rep. Martin Romualdez, Taguig City Rep. Alan Peter Cayetano, Davao del Norte Pantaleon Alvarez at iba pa.
Hindi ba may kumalat na balita noon na isang kongresista ang nag-akusa na isa ring kongresista na nag-aambisyon sa puwesto ang umano’y namimili ng boto sa kapwa mga kongresista mula P500,000 hanggang P1 milyon para lang siya ang iboto? Sino ka?
Sa totoo lang, kahit sino ang mapili o mahalal na Speaker, walang duda na siya ay magiging yukod-ulo at sunud-sunuran sa kagustuhan ng Malacañang. Kung ano ang gusto ni Pres. Rodrigo Roa Duterte, tiyak tatalima ang Speaker at ang Super Majority sa House of Representatives (HOR). Di ba ang HOR o Kamara ay kilala bilang “rubber stamp” ng Palasyo? Wala pang Speaker sa kasaysayan ng HOR na walang basbas ng Pangulo.
Hindi totoo na ang HOR ay isang hiwalay na sangay ng gobyerno kung kaya ang Pangulo ay hindi nakikialam sa mga gawain nito. Totoo, hiwalay nga ito, kasama ang Senado bilang Kongreso, subalit wala itong tigas at paninindigan para kumontra sa gusto ng Pangulo.
Sa balita noong Sabado, ganito ang banner story ng isang broadsheet: “Sara, Pulong form Duterte Coalition” sa layuning mapag-isa ang mga kasapi ng Mababang Kapulungan. Hinihimok ng Hugpong ng Pagbabago (HNP) ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio at ng Hugpong sa Tawong Lungsod ni Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte, ang mga kasapi nila sa Kamara na sumama sa kanilang grupo (Duterte Coalition) para sa positibong pagbabago at pagkakaisa.
Suportado ni Senate Pres. Pro Tempore Ralph Recto ang plano ng Duterte government na tugisin ang mga manggagawang Chinese sa bansa na hindi nagbabayad ng buwis. Ayon sa ginoo ni Rep. Vilma Santos, hindi dapat magkaroon ng “great wall” na poprotekta sa mga Tsino para hindi magbayad ng buwis mula sa kanilang kinikita.
Badya ni Recto: “Baka kaya nagdagsaan ang mga dayuhan dito sa Pilipinas ay dahil masyado tayong maluwag. Nalulusutan ang BIR, DOLE, at Bureau of Immigration.” Mr. Senator hindi lang sa BIR, DOLE at BI maluwag ang liderato ng bansa kundi maging sa West Philippine Sea na pinapayagang makapangisda ang Chinese fishermen, pero itinataboy naman ang mga mangingisdang Pinoy sa Panatag Shoal at iba pang lugar na saklaw ng Exclusive Economic Zone (EEZ).
Sabi ni Recto, ang mga Pilipino ay nagbayad ng P370 bilyong buwis noong 2017 samantalang sinabi ng BIR na target nilang makakulekta ng P22 bilyong buwis mula sa mga Tsino at iba pang mga dayuhan sa lumalagong PH gaming online operations. Mr. President, aba naman, pakilusin mo ang iyong mga tauhan para makakulekta ng buwis sa mga Chinese.
Malaki ang tiyansa na makapasa at maging batas ang panukalang death penalty sa bansa. Maraming senador na kaalyado ni PRRD, tulad nina Bong Go, Bato at Tolentino, ang nahalal at siguradong kakatigan nila ang kagustuhan ng Pangulo. Aminado si Senate Minority Leader Franklin Drilon na mahihirapan silang kontrahin ang panukalang death penalty sapagkat aapat lang silang oposisyon sa Senado.
Kung sa bagay, kung tatanungin lang ng Social Weather Station (SWS) at Pulse Asia ang mga mamamayan, nakatitiyak akong sang-ayon sila sa restorasyon ng parusang kamatayan sa Pilipinas. Dahil walang death penalty sa bansa, ang mga dayuhang kriminal, drug lords/smugglers/traffickers, ay dito sa ating bansa nagnenegosyo sapagkat batid nilang mahuli man sila, hindi sila mabibitay at malaki pa ang tiyansa na makalaya sa pamamagitan ng suhol sa mga hukom, jail officers at iba pa.
-Bert de Guzman