SA ikalawang bahagi ng anim na taon ng administrasyong Duterte, malaking atensyon ang tututok sa pagpapaunlad ng pinagmulang rehiyon ng Pangulo, ang Mindanao. Malaking pag-asa rito ang ibinigay sa Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM). Ngunit ang kabuuang pagpaplano para sa buong Mindanao ay nasa kamay ng Mindanao Development Authority (MDA).
Nitong nakaraang Biyernes, inanunsiyo ng Pangulo ang muling pagtatalaga kay Secretary Emmanuel Piñol, mula sa Department of Agriculture (DA) patungo sa Mindanao Development Authority, na siyang magpapatupad ng malalaking plano ng administrasyon para sa rehiyong pinagmulan ng Pangulo.
Ang BARMM, na pinamumunuan ngayon ni interim Chief Minister Murad Ebrahim, ay kasalukuyang may hawak ng mahirap na trabaho ng pagpapatupad ng isang tunay na autonomous regional government sa bahaging ito ng bansa, na matagal nang nagdusa mula sa mga karahasan at pulitikal na suliranin. Kamakailan lamang, sinabi ni Ebrahim na ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) na may 12,000 madirigma na namumuno noon laban sa pamahalaan ay nahaharap naman ngayon sa problema ng mga armadong grupo tulad ng Abu Sayyaf na nananatiling aktibo sa rehiyon.
Sa pagtutok ng BARMM sa pulitikal na katatagan ng rehiyon, kasama ng pagwawakas ng matagal nang karahasan na idinudulot ng mga grupo tulad ng Abu Sayyaf, plano ng pambansang pamahalaan na pagtuunan ang ekonomikal na pag-unlad ng rehiyon sa pamamagitan ng Mindanao Development Authority.
“I need a pointman, with the likes of Secretary Pinol, for the MDA which will lead the development effort in Mindanao,” pahayag ng Pangulo. Ayon kay Piñol, bumuo na ang Department of Agriculture ng isang ten-year agriculture master plan para sa BARMM na inaasahang maisasapinal na ngayong Agosto. Ang BARMM, aniya, ay maraming likas na yaman tulad ng Lake Lanao, ang Liguasan Marsh, at ang malawak na pangisdaan.Maaari itong maging isang major food production area hindi lamang para sa Mindanao ngunit para sa bansa.
Si Piñol ay dating gobernador ng Cotabato na bahagi na ngayon ng BARMM, kasama ang Lanao del Sur, Sulu, Maguindanao, Basilan, at Tawi-Tawi, gayundin ang Cotabato City at 67 barangay ng North Cotabato. Sa kanyang karanasan bilang lider ng lokal na pamahalaan sa Mindanao at bilang kalihim ng DA, may kakayahan siya na maisakatuparan ang plano ni Pangulong Duterte, ang ating unang pangulo na nagmula sa Mindanao, ang maraming plano na binuo upang maisakatuparan ang matagal nang pangako sa katimugang rehiyon ng bansa.