“BAKIT kami huhulihin wala naman kaming kasalanan. Siya ang may kasalanan,” wika ng tagapagsalita ng mga mangingisdang nagrally nitong Biyernes sa Mendiola.
Sila ay mga kasapi ng Pamalakaya, ang militanteng samahan ng mga mangingisda sa Pilipinas. Ang winika ng pinuno ng grupo ay reaksyon nila sa banta ni Pangulong Duterte kamakailan na ipadadakip niya at ipakukulong ang sinumang magsasampa ng impeachment laban sa kanya. Kasi, ihahabla raw ng Pamalakaya ng impeachment ang Pangulo.
Kamakailan, ganito nagbanta ang Pangulo: “Tinatakot ninyo ako ng impeachment, son of a bitch, subukan ninyong gawin ito. Basta subukan ninyo ako. Kung ganap kayong lalaki at matapang at may balls, gawin ninyo, son of a bitch. Impeach ako? Ipakukulong ko silang lahat. Subukan ninyong gawin ito at gagawin ko ang akin.” Ayan na nga ang Pamalakaya na nakatakdang magsampa ng impeachment laban sa Pangulo sa kabila ng kanyang matapang na pagbabanta sa sinumang gagawa nito. May naghayag kasi ng opinyong na impeachable offense ang kanyang ginawang sekretong kontrata kay Chinese Premier Xi Jingping na pinahihintulutan niyang mangisda ang mga Tsinoy sa karagatan ng West Philippine Sea na sakop ng exclusive economic zone ng bansa. Sa ilalim ng Saligang Batas, inaatasan ang estado na pangalagaan ang yaman ng dagat sa loob ng exclusive economic zone ng bansa para lang sa mga Pilipino.
Napilitang ihayag ng Pangulo ang lihim na kasunduang pinasok niya kay Premier Xi Jinping nang kuwestiyunin ang pangingisda ng mga Tsinoy sa Recto Bank na bahagi ng West Philippine Sea. Kaya naman lumabas ang isyung ito dahil sa insidenteng nangyari noong Hunyo 9 nang banggain ng Chinese trawler ang bangkang pangisda ng mga Pinoy na nakaangkla sa Recto Bank. Pagkatapos lumubog ang kanilang bangka, iniwan sila ng Chinese trawler na lulutang-lutang sa karagatan sa gitna ng kadiliman. Hindi iginiit ni Pangulong Digong sa China ang napanalunang Arbitral ruling ng bansa na nasa ilalim ng kanyang sovereign rights ang karagatang sakop ng kanyang exclusive economic zone nang pagbawalan at ipagtabuyan ng China ang mga Pilipino na mangisda sa Panatag Shoal. Eh tulad ng Recto Bank, ang Panatag Shoal ay nasa loob ng exclusive economic zone ng bansa. Ang akala natin noon ay malakas si Pangulong Digong sa China at itinuturing nitong kaibigan ang bansa dahil sa kanya, kaya nakapangisdang muli ang mga Pinoy sa Panatag Shoal. Iyon pala, kay Pangulong Digong mismo natin narinig, binuksan niya ang buong karagatang nasa exclusive economic zone ng bansa sa mga Tsinoy para makapangisda bilang kapalit ng pagpapahintulot ng China na makapangisda sa Panatag Shoal.
Pinagbantaan ng Pangulo na ipadadakip at ipakukulong niya ang magsasampa ng impeachment laban sa kanya. Ang Pamalakaya ay nagpahayag na maghahain ito ng impeachment laban sa Pangulo. Wala namang mawawala sa kanila maliban sa ipinaglalaban nilang pagkain nila at ng samabayanan at ng kanilang salinlahi. Sino kaya kina Pangulong Digong at Pamalakaya ang unang kukurap?
-Ric Valmonte