Pormal na nagbukas sa pinakasimple ngunit napakasiglang seremonyas ang NCAA Season 95 kahapon sa Mall of Asia Arena sa pangunguna ng Season host Arellano University.
Pinainog sa tema ng pagdiriwang na “Kaisa sa Pagkakaiba”, pinangunahan ng mga mang-aawit at mananayaw mula sa Arellano University Legarda campus ang tradisyunal na palabas kasama ng iba pang mga student performers sa anim na iba’t-ibang Arellano campus sa Metro Manila.
Tinampukan naman ng tanyag na rakistang si Bamboo ang masiglang opening rites sa pagpapaunlak ng ilan sa kanyang mga makabayang awitin.
Kabilang din sa naging highlight ng palabas ang acrobatic dance ng 2018 Pilipinas Got Talent grand winner na si Kristel de Catalina.
Samantala, pormal na idineklara ni NCAA president at policy board chairman Francisco Paulino Cayco ng season host Arellano ang pagbubukas ng ika-95 taon ng liga.
-Marivic Awitan