HINDI nagbabago, hindi kumukupas ang relasyon ng Pilipinas at ng United States. Ito ang pahayag ni Foreign Affairs Sec. Teodoro Locsin Jr. kaugnay ng US Independence Day (July 4th) at ng Philippine- US Friendship Day na ginanap sa Makati City.
Ayon kay Locsin, patuloy na umaasa ang Pilipinas sa “dependable presence” ng US at sa commitment nito na ipagtanggol ang mga kaalyado.
Pinuri at kinikilala niya ang kagandahang-loob ng US sa pagpapahintulot sa mga alyado nito na makipag-relasyon sa ibang mga bansa, tulad ng China at Russia.
Kung susuriing mabuti, si Locsin, kasama si PH Ambassador to Washington Jose Manuel Romualdez, ay makiling sa bansa ni Uncle Sam sa kabila ng pagiging makiling ni Pres. Rodrigo Roa Duterte sa China. Maging si Defense Sec. Delfin Lorenzana ay makiling din sa United States.
Ayon kay Romualdez, tiyak na dadalaw si PRRD sa US bagamat wala pang tiyak na petsa kung kailan. Inihayag ito ni Romualdez sa selebrasyon ng ika-243 anibersaryo ng US Independence mula sa Great Britain o England.
Ipinahiwatig daw ni PDu30 na gusto niyang bumisita sa US at makausap ang kanyang kaibigan na si US Pres. Donald Trump sa Washington D.C. bagamat ang angkop na araw o petsa na lamang ang tinitingnan at inaayos. Maging si Lorenzana ay nagsabi noong Mayo na malamang magtungo si Mano Digong sa US bago matapos ang kanyang termino. May tatlong taon pang nalalabi ang Pangulo.
Binira ng US top diplomat ang China sa paglulunsad ng test-firing missiles sa South China Sea (SCS). Ayon kay US Amnbassador Sung Kim, ang ganitong aksiyon ng China ay “provocative” at “inconsistent with international law and practices.” Samakatwid, hindi nagugustuhan ng bansa ni Uncle Sam ang ginagawa ng bansa ni Pres. Xi Jinping sa SCS,
Hinihimok ng US, ayon kay Kim, ang mga bansa na pigilan ang agresibo at unilateral actions na maglalagay sa peligro sa katatagan ng rehiyon at ng mundo. “We have stated our position very clear for quite some time now and I believe our friends in the Philippines agree that countries including China should refrain from such actions.”
Sa isang ulat na nag-quote sa isang ‘di-pinangalanang US official, sinabi ng internatioanal news agencies na ang China ay nag-test-fired ng anti-ship ballistic missiles mula sa artificial islands sa South China Sea. Dapat daw tumalima ang mga bansa sa international laws at practices. Maging ang China umano ay nagpahiwatig na titigilan nito ang militarisasyon ngunit mukhang hindi ito ang nangyayari.
Patuloy ang bakbakan at labu-labo sa Speakership. Lahat ng kandidato ay pawang kaibigan ni PRRD. Dahil dito, ayaw niyang mag-endorse kung sino ang ihahalal ng mga kongresista. Gayunman, sino man ang maging Speaker, siguradong susunod ito sa kagustuhan ng Pangulo sapagkat ang Kamara ay kilala bilang isang “rubber stamp” ng Malacanang. Ang abangan natin ay kung totohanin ni PRRD na magbibitiw siya sakaling si Pulong ang maging Speaker.
-Bert de Guzman