UMANGAT ang pag-asa ng mundo sa dalawang usapin matapos ang nakaraang buwang pagpupulong sa Osaka, Japan ng G20—ang 20 nangungunang ekonomiya sa mundo—kung saan nagkaharap-harap sina United States President Donald Trump, Russia President Vladimir Putin, at China President Xi Jinping sa isang bilateral na pag-uusap kasabay ng G20 Summit.
Tumuloy sa Roma si President Putin, pagkagaling ng Osaka, upang makipagkita kay Pope Francis at kay Italy Prime Minister Giuseppe Conte. Dito niya nabanggit ang naging pakikipag-usap niya kay Trump hinggil sa pagbabawas ng mga armas at estratehikong istabilidad.
“I think that reaching concrete measures in the field of disarmament should continue to strengthen international stability, Russia has the political willingness to do it. Now it is up to the US,” pahayag ni Putin sa isang panayam sa isang pahayagan sa Italy. “It seems that Washington has started to reflect about stepping up dialogue with Russia over a wide strategic agenda.”
Hindi alam ng marami, ngunit sa kabila ng kasunduan noong 1987 na pagbabawal sa mga short at intermediate-range missiles, nananatiling mayroong higit 12,000 long-range at submarine-borne missiles ang US at Russia na hindi sakop ng kasunduan. Sa pagtataya ng Federation of American Scientists may nasa 6,500 nuclear na armas ang Russia, habang ang US ay may 6,185. Mayroon ding sariling hawak ang China, France, United Kingdom, Pakistan, India, Israel at North Korea.
Namuhay sa takot ang mundo noong panahon ng Cold War dahil sa libu-libong mga nuclear na armas at nakahinga nang maluwag nang lansagin ng US at Russia ang karamihan ng mga ito. Ngunit malaking bilang pa rin ang nananatiling nakaimbak. Ikinokonsidera ngayon ni President Trump at President Putin na higit pang bawasan ang kanilang mga nakamamatay na armas. Umaasa tayong ang bagong inisyatibong ito ay magkaroon ng katuparan.
Nasaksihan din sa G20 summit sa Japan ang pulong sa pagitan ni Trump at Chinese President Xi Jinping, na nagkasundong muling buksan ang kanilang negosasyon para wakasan ang taon nang trade war na nakaapekto na sa buong mundo. Sinapol ng US ng taripa ang bilyong dolyar na halaga ng produkto ng China, na ginantihan naman ng China ng sarili nitong taripa sa mga produkto ng US.
Nagkasundo si Trump at Xi sa kanilang pulong sa Osaka na muling ilunsad ang pagpupulong na nahinto noong Mayo, at inanunsiyo ng economic adviser ni Trump na si Larry Kudlow na ipagpapatuloy na ito ngayong linggo. Upang umusad ang negosasyon, sumang-ayon si Trump na ipagpaliban ang planong dagdag na taripa at luwagan ang restriksyon sa Chinese technology company na Huawei.
Kapwa nagpakita ang US at China ng matinding determinasyon—at katigasan—sa kanilang trade war, ngunit parehong nagdusa ang dalawang bansa sa epekto nito, damay ang maraming bansa, tulad natin, na nakikipagkalakalan sa dalawang bansa. Kaya naman umaasa tayo na mawawakasan na ang kanilang sigalot.
Ang nuclear na armas ng US-Russia at away-ekonomiya ng US-China ay dalawang suliranin na nakaapekto sa buong mundo. Ang pagkakaharap-harap ng kanilang mga lider sa Osaka ay maaaring nagbukas ng daan upang umaksiyon ngayon ang mga ito. Taimtim tayong dumadalangin para sa tagumpay ng mga bagong pagpupulong sa pagitan ng tatlong pinakamalaki at pinaka mahalagang mga bansa sa mundo sa kasalukuyan.