SUPORTADO ng Zamboanga City Barter Trade Association (ZCBTA) ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na muling buhayin ang pagpapalitan ng mga produkto sa pagitan ng Mindanao, Malaysia at Indonesia—mas kilala bilang barter trade.
Ito ay sa nakatakdang pagbubukas ng pamahalaan ng Pilipinas sa susunod na buwan sa sinaunang barter trade sa mga bahagi ng silangang hangganan ng bansa sa bahagi ng Mindanao, Malaysia at Indonesia.
Ayon kay ZCBTA president Mark Basaludin, nais nilang kausapin ang Pangulo upang hilingin na isama ang lungsod ng Zamboanga bilang isa sa mga barter ports, lalo’t ang siyudad, aniya, ang pangunahing sentro ng palitan ng produkto noong panahon ni Pangulong Ferdinand Marcos.
Sa ilalim ng Executive Order No. 64 ni Pangulong Duterte noong Oktubre 2018, na lumikha sa Mindanao Barter Council (MBC), kinilala ang mga pantalan ng Siasi at Jolo sa Sulu at Bongao sa Tawi-tawi bilang mga barter ports.
Nasa ilalim ng MBC ang pamamahala, pakikipag-ugnayan at pagsasaayos ng mga polisiya at mga programa hinggil sa barter sa Mindanao.
Ayon kay Basaludin mayroong 500 traders ang kasalukuyang nasa conventional barter trade business sa southern port city.
Inaasahan naman nilang makakausap si Pangulong Duterte upang pormal na mahiling ang pagsama sa pantalan ng Zamboanga bilang bahagi ng barter ports.
PNA