Sibak sa puwesto ang siyam na opisyal ng Manila Police District-Station 11 matapos na madiskubre ni Manila Mayor Isko Moreno na pagsapit ng gabi ay pinapayagan nitong magtinda ang mga illegal vendors na itinaboy sa Divisoria at sa mga karatig-lugar.
Sa pulong balitaan ngayong Lunes, kinumpirma ni Mayor Isko na inatasan niya si MPD Director Brig. Gen. Vicente Danao, Jr. na sibakin sa puwesto si Lt. Col. Antonietro Eric Mendoza, hepe ng MPD-Station 11; at mga tauhan nitong sina Maj. Robinson Maranion, Maj. Alden Lee Panganiban, Capt. Jerry Garces, Capt. Bernardino Venturina, Capt. Manuel Calleja, Lt. Jerry Caneda, Lt. Maricel Pili, at Lt. Maribel Fiedacan.
Inirekomenda naman ni Danao kay Moreno bilang bagong hepe ng MPD-Station 11 si Lt. Col. Noel Calderon Aliño.
Itinalaga rin sina Maj. Salvador Bagne Tangdol, bilang hepe ng San Nicolas Police Community Precinct (PCP); at Capt. Manolito Vedana Flores, bilang hepe ng Juan Luna PCP.
Ayon kay Moreno, sinibak niya ang siyam na opisyal ng Meisic Police makaraang makarating sa kanyang kaalaman na pagtalikod niya, matapos niyang paalisin ang illegal vendors at linisin ang mga lugar na nasasakupan ng MPD-Station 11, ay pinayagang magbalik ang mga ito at makapagtinda uli sa lugar, gaya ng dating gawi.
“Dalawa lamang ‘yan, its either natutulog sila sa trabaho o nag-e-engage sila (sa ilegal na aktibidad),” anang alkalde.
Kaugnay nito, binalaan ni Mayor Isko ang lahat ng opisyal ng MPD na hindi siya magdadalawang-isip na sibakin sa puwesto ang mga ito kung hindi makikiisa sa isinasagawa niyang pagsasaayos sa lungsod, partikular na sa layuning maibalik sa mamamayan ang lansangan.
“Ang ‘di makiisa sa pagbabalik ng mga lansangan sa mga tao, has no business to stay,” babala ng alkalde.
-Mary Ann Santiago