KUNG may koponan sa NCAA na dumanas ng malaking kawalan dahil sa pagtatapos ng playing years ng kanilang mga pangunahing manlalaro, isa na rito ang University of Perpetual Help.
Sa katunayan, maituturing na pinakamatindi ang nawala sa hanay ng Altas dahil sa pag graduate ng Season 94 MVP na si Prince Eze.
Ang 6-foot-10 Nigerian slotman ang siyang namuno sa Altas sa pagbabalik nito sa Final Four para din sa matagumpay na pagbalik sa liga ng kanilang coach na si Frankie Lim.
Ngunit, tiniyak naman ni Lim na mayroon ng sasalo sa pamumuno na iniwan Eze sa katauhan ni dating San Beda Red Lion Ben Adamos.
Inaasahan din ni Lim na makakatuwang ni Adamos para pangunahan ang kampanya ng Altas sa darating na Season 95 ang beteranong playmaker na si Edgar Charcos gayundin sina wingman Kim Aurin at isa pang guard na si Jielo Razon.
Bukod sa mga nabanggit, aabangan din ang mga “promising recruits” ni Lim na sina Jefner Egan at Ramlee Lanoy.
Gaya noong nakaraang taon, hindi napapag-usapan ang Perpetual. Subalit tiniyak ni Lim na palaban pa rin ang kanyang koponan. kahit pa wala na silang foreign player.
“We’ll be okay. We’ll be competitive,” paniniguro ng Altas mentor.
-Marivic Awitan